Mga Tanong at Sagot Tungkol sa Islam

1.79 MB 54 1 Files
albyan
or download free
[free_download_btn]

Description

Mga Madalas na itinatanog tungkol sa Islam.

Ano ang Islam at sino ang mga Muslim?

Ang Islam ay isang natural at kumpletong Sistema ng pamumuhay na naghihimok sa mga tao na magtuon ng ibayong pansin sa kanilang relasyon sa Diyos at sa mga nilikha. Ito ay nagtuturo na ang kaluluwa ay makatatagpo ng tunay na kaligayahan at kapayapaan sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting gawain na pinahintulutan ng Diyos at nagbibigay ng pakinabang sa lipunan at indibidwal.

Ang mensahe ng Islam ay simple lamang: ito ay ang maniwala at sumamba sa nag-iisang tunay na Diyos lamang at ang tanggapin si Propeta Muhammad bilang kanyang huling Sugo. Ang salitang Islam ay nangangahulugang pagtalima sa Diyos at ang mga tagasunod nito ay tinatawag na mga Muslim, na maaaring magmumula sa anumang lahi o nasyon.

Ano ang Layunin ng Buhay?

Ang Diyos ay hindi lumikha sa mga tao sa kawalang kapararakan. Bagkus, sila ay nilkha Niya sa isang dakilang layunin – upang kilalanin at sambahin ang Diyos nang nag-iisa at walang katambal upang tayo ay mabuhay sa gabay ng ating Tagapaglikha. Ang gabay na ito ay nagdudulot sa atin na mamuhay sa matagumpay at mabiyayang buhay sa lahat ng aspeto, sa mundong ito at sa Kabilang-buhay. Ang pagsubok sa pananampalataya ninuman ay sa paggamit ng kanyang talino at pangangatwiran upang pagmuni-munihan at makilala ang mga taonda ng Diyos at mamuhay ayon sa Kanyang gabay.

Sa wagas na karunungan ng Diyos, Siya ay nagbigay sa mga tao ng malayang pagpapasya upang masubok kung sino ang tatahak sa Kanyang landas.

Sino si Allah?

Ang ‘Allah’ ay personal na pangalan ng nag-iisang tunay na Diyos. SI Allah ay walang kaparehas, kapantay, magulang o mga anak. Ang lahat ng mga katangian ni Allah ay wagas, tulad ng pagiging Tagapaglikha, Mahabagin, Makapangyarihan, Makatarungan, Maalam, at Nakaaalam. Walang sinumang tao o anumang bagay ang may bahagi sa pagka-Panginoon at Pagkadiyos ni Allah, na dahil dito, Siya lamang ang karapat-dapat na sambahin nang direkta at nag-iisa at walang katambal.

Sino si Muhammad?

Si Muhammad ay ang huling propeta sa maraming bilang ng mga propeta na ipinadala upang anyayahan ang mga tao tungo sa pagsamba sa Diyos lamang nang nag-iisa at walang katambal. Siya ay isang huwaran na ama, asawa, guro, pinuno, hukom at perpektong modelo ng isang matapat, makatarungan, maawain at matapang na tao. Bagaman siya ay lubos na ginagalang, tulad ng iba pang mga propeta, siya ay hindi sinasamba ng mga Muslim.

Bakit tayo Maniniwala sa Diyos?

Maraming mga dahilan upang maniwala sa Diyos at napapaloob dito ang ilang mga simpleng lohika na maibubuod sa baba, gayundin sa pamamagitan ng mga kapahayagan na mababanggit sa susunod na bahagi.

Ang simula ng sansinukob. Ang isang simpleng dahilan sa paniniwala sa Diyos ay may kinalaman sa ating pagmumuni-muni sa pinagmulan ng sansinukob. Saan ba talaga nagmula ang sansinukob? Ang sansinukob ay hindi palagiang umiiral, ito ay may simula ayon sa makabagong siyensiya at hindi maaaring lilitaw ito mula sa kawalan o lilikha sa sarili nito. Ang isang makatwirang konklusyon dito ay nilikha ito ang isang tagapaglikha, na hindi katulad ng sansinukob na nilikha lamang, ang Tagapaglikha, ang Diyos, ay walang simula at walang wakas at palagiang umiiral.

Ang kaayusan sa sansinukob. Ang isa pang simpleng dahilan ng paniniwala sa Diyos ay ang pagmumuni-muni sa kaayusan sa sansinukob sa pamamagitan ng sumusunod na mga lohika:

1.Anumang may kaayusan ay nagpapahiwatig ng talino ng bumuo at namamahala dito.

2.Ang ating solar system ay sumusunod sa komplikadong mga batas, Sistema at mga pagkakaayos.

3.Kaya, ang kaayusan na matatagpuan sa sansinukob ay nagpapahiwatig ng pag-iral at katalinuhan ng isang Tagapaglikha.

Ano ang Quran?

Ang Qurna ay literal na salita ng Diyos at huling kapahayagan sa sangkatauhan.

Ang Quran ay nagbibigay ng matibay na argumento para sa pag-iral ng Diyos para sa mga may bukas na pag-iisip at dalisay ang layunin. Ito ay hindi mapapantayan sa istilo, kaalaman, gabay, kagandahan at pagiging matatas. Ito ay literal na salita ng Diyos na ipinahayag kay Propeta Muhammad sa pamamagitan ng Anghel Gabriel, at pumapalit sa lahat ng mga naunang henerasyon tulad ng Ebanghelyo at Torah. Ito ang pangunahing pinanggagalingan ng kaalamang Islamiko. Ito ay nagpapaliwanag at naglilinaw sa maraming mga usapin tulad ng layunin sa pagkakalikha sa atin; ang tamang pag-unawa sa Diyos, mga gawaing nagugustuhan at hindi nagugustuhan ng Diyos; mga kuwento tungkol sa mga propeta at mga aral mula sa mga ito; paglalarawan tungkol sa Paraiso, Impiyerno at Araw ng Paghuhukom. Isa sa pinakadakilang himala ay ang katotohanan na ang Quran ay napanatili na hindi nagbago mula nang ito ay ipinahayag noong 1400 taon na ang nakalipas. Ito ay naglalaman din ng maraming mga siyentipikong katotohanan na hindi nalalaman ng maraming mga tao sa kapanahunan na yaon at natuklasan kamakailan lamang, na isa sa mga patunay na ito nga ay mula sa Diyos.

Ano ang mga Pangunahing Gawain sa Islam?

Ang Unang Haligi: Ang Pagpapahayag ng Pananampalataya: Ito ay ang pagsaksi na walang diyos na marapat sambahin liban kay Allah at si Muhammad ay Kanyang huling Sugo.

Ikalawang Haligi: Ang Pagdarasal: Ito ay isinasagawa nang 5 ulit araw-araw. Sa madaling araw, tanghali, hapon, dapithapon, at gabi.

Ikatlong Haligi: Obligadong Kawanggawa: Ito ay taunang obligadong kawanggawa na direktang ibinibigay sa mga kapuspalad. Ito ay 2.5 percent lamang ng yaman ninuman na maaari nang singilin ng Zakah. Ito sisingilin lamang sa mga may tangan ng yaman na umabot na sa dami ng yaman na maaari nang singilin ng Zakah.

Ikaapat na Haligi: Pag-aayuno sa Buwan ng Ramadhan: Sa buong buwan na ito, ang mga Muslim ay umiiwas sa pagkain, inumin at pakikipagtalik sa kanilang mga asawa mula sa pagsisimula ng pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. Ito ay naghihimok sa disiplina, takot sa Diyos at pagmamalasakit sa mahihirap.

Ikalimang Haligi: Ang Peregrinasyon: Ang bawat Muslim ay marapat na magsagawa ng Hajj patungong Makkah nang isang beses lamang sa tanang buhay nila. Napapaloob dito ang paglalakbay, pananalangin, pagkakawanggawa, na isang ispiritwal na karanasan na magdudulot na ang Muslim ay maging mapagpakumbaba.

Ano ang Pinaniniwalaan ng mga Muslim tungkol kay Jesus at iba pang mga Propeta?

Libu-libong mga propeta ang ipinadala ni Allah, isa o mahigit pa sa bawat nasyon na dala ang iisang mensahe, ang sambahin si Allah nang nag-iisa at walang katambal. Ang ilan sa mga Propeta ay sina Adam, Noah, Abraham, Jacob, Isaac, Moises, Jesus at Muhammad.

Si Jesus ay mahimalang isinilang nang walang ama at nakagawa ng mga himala at ang lahat ng ito ay sa pahintulot ng Diyos.

Si Jesus ay isa sa mga pinakadakilang propeta na isinugo ng Diyos.

Si Jesus ay hindi diyos o anak ng Diyos o bahagi ng tatlong persona dahil ang mga ito ay malinaw na taliwas sa dalisay na mga turo ng Islam. Pag-isipan ang mga sumusunod:

*May mga halimbawa ng katuruan sa Kristiyanismo na si Jesus at nagsasalita at kumikilos na malinaw na siya at Diyos ay hindi iisa tulad pagdarasal ni Jesus sa Diyos. Kung si Jeus ang Diyos, kanino siya nagdarasal?

*Ang katagang ‘Anak ng Diyos’ ay isang simbolismo na ginagamit sa mga wika ng lumang Biblia na tumutukoy sa matutuwid na tao at ginamit para sa maraming tao at hindi lamang kay Jesus. Ang problema rito ay kapag ginamit ito nang literal at sa iba pang mga paraan.

Bagaman ang mga Muslim ay nagmamahal at gumagalang kay Jesus, sila ay hindi sumasamba sa kanya o nag-uugnay sa kanya ng anumang katangian ng pagiging diyos, ito ay para lamang sa Diyos, kay Allah.

Ang mga relihiyon ba ay pare-pare lamang?

Habang ang karamihan sa mga relihiyon ay may magkakatulad na mensahe tungkol sa mabuting asal at kabutihan sa iba at sa iba pang katuruan, ang Islam ay nagbibigay ng ibayong pagpapahalaga sa kadakilaan ng Diyos nang walang kompromiso sa Kanyang kaisahan at pagiging perpekto. Hindi tulad ng iba pang mga relihiyon, ang pangunahing turo ng Islam na ang Diyos ay naiiba at natatangi at hiwalay sa Kanyang mga nilikha kaya ang lahat ng pagpuri at pagsamba ay sa kanyang lamang nang direkta at walang anumang pagtatambal. Ang Islam ay malawak din ang nasasaklaw sa kabila ng pagiging simple nito. Ito ay may kapahayagan na napangalagaan. Ito ay hindi nagtatakwil sa sinumang propeta ng Diyos, bagkus ay nangangaral na sila ay nangaral ng isang mensahe lamang.

Ano ang mangyayari pagkatapos ng kamatayan?

Ang kamatayan ang paglisan mula sa panandaliang buhay na ito tungo sa Kabilang buhay na panghabang-panahon. Ang bawat tao ay bubuhaying muli at tutuusin sa Araw ng Paghuhukom. Kapag ang tao ay nabuhay sa buhay na mabuti at marangal sa pamamagitan ng pagsamba at pagsunod kay Allah, sila ay papapasukin sa Paraiso sa bisa ng Kanyang habag. Kung sila naman ay pipili sa kawalang pananampalataya, ang Impiyerno ang magiging hantungan nila.

Kung walang kabilang-buhay na kung saan ang mabubuti ay magagantimpalaan at ang kasamaan ay maparurusahan, ito ay magiging taliwas sa perpektong katarungan ng Diyos dahil ang buhay sa mundo ay hindi makatarungan.

Ano ang pananaw ng Islam sa Kababaihan?

Sa Islam, ang kalalakihan at kababaihan ay tinatanaw na magkapantay sa mata ng Diyos sa kakayanan at pagkakataon na makatanggap ng gantimpala at managot sa kanilang mga gawain. Si Allah, ang Tagapaglikha ng parehong kasarian ay nagtalaga sa kanila ng magkaibang mga gampanin at pananagutan sa pagsasaalang-alang sa kanilang mga pagkakaiba. Ang kababaihan ay binibigyan ng ibayong paggalang at pagpapahalaga at walang anumang pang-aapi laban sa kanila ang kinukunsinti sa Islam.

Naniniwala ba ang mga Muslim sa Minanang Kasalanan?

Ang konsepto ng minanang kasalanan ay hindi pinaniniwalaan sa Islam. Ang Diyos ay makatarungan kaya walang sinuman ang maaaring managot sa kasalanan na wala naman silang kinalaman dito.

Ano ang Jihad?

Ang diwa ng Jihad ay ang pagsisikap at pagsasakripisyo para sa relihiyon sa paraan na kalugud-lugod sa Diyos. Ito ay literal na nangangahulugan na ‘pagsisikap’ sa mabubuting gawain o pakikibaka sa landas ni Allah. Ang pinakakilalang anyo nito ay ang Jihad sa pamamagitan ng armas na pinahihintulutan upang pangalagaan ang kainaman ng lipunan, upang pigilan ang pang-aapi at ipalaganap ang katarungan.

Ipinapahintulot ba ng Islam ang Terorismo?

Sa digmaan, ang pambibiktima sa mga inosenteng sibilyan ay kamuhi-muhing gawain na malinaw na ipinagbabawal sa Islam. Sa katotohanan, ang mga Muslim ay hindi pinahihintulutan na mangwasak ng kahit halaman at mga hayop nang walang kapararakan, kaya paano pa nila ito magagawa sa tao? Ito ay isa lamang sa mga batas kung paanong tamang magagawa ang pakikidigma ayon sa batas ng Islam. Sa kabila nito ay marapat na maging malinaw ang pinagkaiba ng terorismo at lehitimong mga pakikibaka ng mga Muslim laban sa pananakop, ang dalawang ito ay malinaw na magkaiba.

Ano ang Halal na Pagkain?

Ang Halal o pinahihintulutang pagkain ay yaong pinahintulutan ng Diyos para sa mga tao na makain. Sa pangkalahatan, ang karamihan sa mga pagkain at inumin ay pinahihintultuan liban na lamang sa ilan na tulad ng baboy at alak. Ang mga karne ng hayop na pinahihintulutang kainin ay marapat na makatay sa makataong paraan sa pamamagitan ng pagbabanggit ng pangalan ni Allah, sa pagsasabi ng Bismillah at paggilit sa leeg nito nang walang sakit o paghihirap.

Sino ang Maaaring maging Muslim?

Si Allah ay nagbukas ng pinto ng Islam sa sangkatauhan, anuman ang kanilang kasalukuyan o nakaraan. Kaya, ang sinumang nagnanais na maging Muslim sa anumang panahon ay maaaring pumasok dito sa pamamagitan lamang ng paniniwala at pagsasambit ng pagsaksi sa pananampalataya:

Ako ay sumasaksi na walang diyos na marapat sambahin liban kay Allah at si Muhammad ay Sugo ni Allah.

Ang pagiging Muslim ay nangangahulugang pagkilala sa kadakilaan ng Tagapaglikha at pagbuo at pagpapanatili ng malapit na ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya. Ito ay magdudulot ng kaligayahan at pagkakuntento sa buhay na ito at sa Kabilang-buhay, na siyang pagkakatupad sa layunin ng buhay.

Similar Downloads

No related download found!