Ang 5 Haligi ng Islam

2.65 MB 53 1 Files
albyan
or download free
[free_download_btn]

Description

Ang 5 Haligi ng Islam

Ang mga Saligan ng Buhay ng Muslim

Alamin ang mga Pangunahing Kaalaman

Panimula

Ang bawat matatag na gusali ay mayroong matitibay na haligi upang manatiling matatag. Ang pundasyon ng Islam ay ang limang haligi na kung saan ito ay nakatayo rito na bumubuo sa mga pangunahing katuruan nito ayon sa itinuro ni Propeta Muhammad na kung saan ay sinabi niya,

Ang Islam ay itinatayo sa limang haligi:

1. Pagsakasi na walang diyos na marapat sambahin liban kay Allah at si Muhammad ay Kanyang sugo

2. Pagdarasal

3. Pagbabayad ng Zakah

4. Pag-aayuno sa Ramadhan

5. Peregrinasyon

Ang limang haligi na ito ang panulukan ng buhay ng Muslim

1. Ang Pagsaksi - Shahadah

Ang pagsaksi sa pananampalataya ay ang pagsaksi na walang diyos na marapat sambahin liban kay Allah at si Muhammad ay Kanyang alipin at Sugo. Ito ay marapat na nakabatay sa matibay na paniniwala na nasa puso at ipinapahayag ng dila.

Ang unang bahagi ng pagpapahayag na ito ay:

Walang sinuman o anuman ang marapat na sambahin liban na lamang kay Allah nang nag-iisa at walang katambal. Ang pangalang Allah ay tumutukoy sa nag-iisang diyos ng sangkatauhan at lahat ng bagay na umiiral.

SI Allah lamang ang nag-iisang Tagapaglikha at Tagapagtustos ng lahat ng umiiral at Siya ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay.

Si Allah ay may mga perpektong pangalan at mga katangian na walang anumang kapintasan.

Si Allah ay walang katambal, kapantay, magulang o anak.

Ang pangalawang bahagi ng deklarasyon ay ang pagsaksi na si Muhamamd ay alipin at huling Sugo ni Allah. Siya ang huling propeta sa maraming bilang ng mga propeta na ipinadala upang tawagin ang mga tao tungo sa pagsamba kay Allah lamang. Ang ilan sa mga propeta na ito ay sina Adan, Noah, Abraham, Ismael, Isaac, Jacob, Joseph, Moises, David, Solomon, at Jesus.

Si Propeta Muhammad ay ipinadala na kasama ang Quran, ang huling kapahayagan, upang turuan ang mga tao ng utos ni Allah at maging gabay na marapat na sundin ng mga tao.

Ilan sa mga benepisyo ng pagsaksi na ito:

Kumpletong pagtalima sa kagustuhan ni Allah at pagiging tunay Niyang lingkod at alipin.

Pagdudulot ng mataas na antas ng paggalang sa sarili habang nananatiling mapagpakumbaba at disente.

Pagdudulot ng paninindigan, pagtitiis, at pagsusumikap na dahil dito, ang tao ay nagiging matapang, matuwid at tumutupad sa tungkulin.

Nagdudulot na ang tao ay sumunod sa mga utos ni Allah.

2. Ang mga Pagdarasal – Salah.

Ang limang araw-araw na pagdarasal ang bumubuo sa pinakamahalagang mga gawaing pagsamba sa buhay ng Muslim; sa madaling-araw, tanghali, hapon, dapithapon at gabi. Si Propeta Muhammad ay nagsabi, ‘Ang pagdarasal ay haligi ng Islam at sinumang nagtaguyod nito ay nagtaguyod ng kanyang relihiyon at sinumang nagpabaya rito ay nagpabaya sa kanyang relihiyon.

Ang pagdarasal ay nagdudulot ng personal at ispiritwal na koneksiyon sa pagitan ng Muslim at ng kanyang Tagapaglikha na nakabatay sa pananampalataya, pagmamahal, pag-asa at paggalang. Kapag ang mga pagdarasal ay tamang isinagawa nang may pagninilay-nilay, pagpapakumbaba at Dalisay na layunin, ito ay magkakaroon ng pangmatagalang epekto sa tao na pumupuno sa kanyang puso ng pagkakuntento, kapayapaan, at pagiging malapit kay Allah.

‘Tunay na Ako si Allah, walang diyos na marapat sambahin liban sa Akin, kaya, sambahin ninyo Ako at magtaguyod kayo ng pagdarasal bilang pag-alaala sa Akin. Quran 20:14

Ang pagdarasal ang sentro ng buhay ng Muslim at pinakainam na paraan upang tumalima kay Allah. Ito ay maaaring gawin sa anumang lugar na malinaw tulad ng mga bukid, opisina, pabrika o paaralan. Ito ay nangangailangan lamang ng ilang minute upang isagawa. Ito ay binubuo ng mga pagbasa mula sa Quran, pagdarasal at pagpuri kay Allah, at iba pang mga pagkilos ng katawan tulad ng pagtayo, pagyuko, pagpapatirapa at pag-upo. Sa pamamagitan ng pagdarasal, ang Muslim ay umaalala sa kadakilaan ng kanyang Panginoon at nananalangin sa Kanya para sa kanyang mga pangangailangan at hiling.

Sa paulit-ulit na pagpapakumbaba kay Allah, ang tao ay napipigilan na magkasala at ito ay isang pagpapadalisay ng kaluluwa tulad ng sinabi sa Quran, ‘Tunay na ang pagdarasal ay pumipigil sa tao sa pagkakasala at kahalayan.’ Quran 29:45. Ang pagdarasal ay isang pagkakataon din upang magbalik-loob at humingi ng tawad kay Allah.

Ang Sugo ni Allah ay nagtanong sa kanyang mga kasama, ‘Kung ang sinumang sa inyo ay may ilog malapit sa kanyang pinto at naliligo siya rito ng limang beses araw-araw, may maiiwan pa bang dumi sa kanya?’ Sumagot sila, ‘Wala na.’ Sinabi ni Propeta Muhammad, ‘Ganito rin ang pagdarasal na inaalis ni Allah sa inyo ang mga kasalanan sa pamamagitan nito.

3. Ang Obligadong Kawanggawa – Zakah.

Ang lahat ay pag-aari ni Allah, kabilang na rito ang yaman na itinuturing na isang pagkakatiwala. Ang mga obligadong kawanggawa o Zakah ay isang obligasyon para sa bawat Muslim na nagtatangan ng mga katangian na magiging obligado sa kanila ang pagbabayadi nito tulad ng hustong edad at yaman na umabot sa isang antas). Ang 2.5% ng kanyang yaman na kabilang sa mga maaaring singilin ng Zakah ay babayaran niya taun-taon at ibibigay niya sa karapat-dapat dito ayon sa nababanggit sa Quran.

Sinabi ni Propeta Muhammad, ‘Ginawang obligado ni Allah ang Zakah upang dalisayin ang inyong mga yaman.’

Ang kahulugan ng salitang Zakah ay ‘pagdadalisay’ at ‘paglago’. Ito ay katulad lamang din sa paggapas sa halaman na sa pamamagitan ng pagputol sa mga patay na dahon nito ay nakakamit ang balance at natitiyak ang paglaki. Sa pamamagitan ng pagtupad sa obligasyong ito ay dinadalisay ng mga Muslim ang kanilang mga yaman at nagtitiyak ng pag-unlad na pinansiyal at ispiritwal.

Ilan sa mga pakinabang ng Zakah:

Ito ay nagpapadalisay sa tao laban sa pagkamakasarili, kayabangan at pagkaganid.

Ito ay nagsasanay sa tao na magmalasakit at mahabag sa mahihirap at nangangailangan.

Nagpapaalala sa mga tao na ang mga biyaya ay mula kay Allah at naghihimok sa kanila na maging mapagpasalamat.

Nagdurugtong sa ibat ibang mga antas ng lipunan at isang anyo ng seguridad na panlipunan.

Bumabawas sa kahirapan at nagtitiyak ng pagkakapantay-pantay sa pamamagitan ng pag-oobliga nito sa mayayaman at upang ibahagi ang ilan sa kanilang mga yaman sa mga kapuspalad. ‘upang ang yaman na ito ay hindi magpaikut-ikot lamang sa mayayaman na kabilang sa inyo.’ Quran 59:7.

Ang sinumang ay maaaring magbigay ng higit pa ayon sa kanyang nais bilang karagdagang kawanggawa.

Yaong mga nagtataguyod ng Salah at nagbabayad ng Zakah, sila ang matagumpay. Quran 31:4-5.

4. Pag-aayuno – Sawm

Ang pag-aayuno ay itinalaga sa inyo tulad ng kung paano itong itinalaga sa mga nauna sa inyo upang kayo nawa ay magkamit ng kabanalan. Quran 2:183

Tulad sa iba pang mga gawaing pagsamba, ang pag-aayuno ay nangangailangan ng pagsunod at pagtalima sa mga utos ni Allah sa pamamagitan ng pinakamataas na antas ng pagsisikap at kadalisayan ng layunin. Sa bawat taon, sa buwan ng Ramadhan, ang ika-9 na buwan sa kalendaryong Islamiko, ang mga Muslim ay nag-aayuno mula sa pagsisimula ng pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, na sila ay lumalayo sa tatlong pangunahing pangangailangan ng tao – pagkain, inumin at pakikipagtalik. Ang nag-aayuno ay marapat ding lumayo sa makasalanang mga gawain.

Ang pag-aayuno sa Ramadhan ay isang obligasyon para sa sinumang may kakayanang pisikal at mental na mga Muslim na nasa hustong edad. Ang mga bata, maysakit, may sakit sa pag-iisip, matatanda, babaeng may buwanang-dalaw at mga naglalakbay ay hindi mag-aayuno.

Ilan sa mga pakinabang ng pag-aayuno

Naghihimok sa pagpapadalisay at pag-unlad na ispiritwal.

Mga pakinabang na pangkalusugan na napagtibay sa Siyensiya

Pagmamalasakit sa mga kapuspalad na nagdudulot na ang Muslim ay higit na magbigay ng kawanggawa.

Paraan upang matuto ng disiplina at pagtitiis.

Nagpapadalisay sa kaluluwa at tumutulong na makamit ang pagkakasanay sa pagsunod kay Allah sa pamamagitan ng pagpigil sa mga pagnanasa at paghihimok sa pagiging matiisin.

Nagdudulot sa tao na magkaroon ng kamalayan sa kalagayan ng mga tao sa mundo at sa mga paghihirap na kanilang pinagtitiisan.

Kapatawaran sa mga kasalanan. Si Propeta Muhammad ay nagsabi, ‘Sinumang mag-ayuno sa Ramadhan nang may pananampalataya at paghahangad sa gantimpala ni Allah ay mapapatawad ang kanyang mga kasalanan.’

5. Peregrinasyon - Hajj

Ang Hajj o peregrinasyon patungong Ka’bah sa Makkah ay isang obligasyon sa sangkatauhan na itinakda ni Allah, para roon sa may kakayanan sa mga gastusin dito (transportasyon baon at matutuluyan). Quran 3:97

Ang peregrinasyon patungo sa Makkah, Saudi Arabia ay iba pang mga lugar na kasama sa mga pupuntahan dito ay marapat na matupad kahit isang beses lamang sa tanang buhay ng tao kung sila ay may kakayanan na pisikal at pinansiyal.

Ang peregrinasyon ay pagkakaputol pansamantala ng anumang pangmundong gawain at isang panahon upang magmuni-muni, sumamba, humingi ng tawad kay Allah at mapalapit sa Kanya.

Ang peregrinasyon ay isang taunang pagtitipn sa ika-12 na buwan ng kalendaryong Islamiko, ang Dhull Hijjah sa wikang Arabic, na nagtitipon sa mga tao mula sa ibat ibang mga kulay, lahi, antas sa Lipunan at edad, na sila ay nagtitipon sa pagsamba sa nag-iisang tunay na Diyos. Ang lahat ng nagsasagawa ng Hajj ay may suot na simple at parehong mga damit na nag-aalis sa kanila ng anumang pagkakakilanlan sa kanilang kultura at antas sa lipunan upang sila ay tumayong magkakapantay sa harap ni Allah.

Sinabi ni Propeta Muhammad, ‘Sinumang magsagawa ng Hajj ng hindi nagsasalita ng kahalayan o gumawa ng kasalanan, ay babalik sa kanilang lugar na tulad ng araw na siya ay isinilang ng kanyang ina, na dalisay mula sa mga kasalanan.’

Napapaloob sa Hajj ang pagsunod sa mga hakbang ni Propeta Abraham, ayon sa itinuro sa atin ni Propeta Muhammad. Ang dakilang gawaing pagsambang ito ay binubuo ng ibat ibang mga bahagi tulad ng pag-aalay ng hayop, pananalangin, pagdalaw sa ilang mga lugar at pagdarasal sa mga ito, pag-ikot sa Ka’bah, paglalakad sa pagitan ng dalawang burol, at iba pang ritwal sa loob ng anim na araw.

Ang karanasang tulad nito ay bumabago sa tao at nagdudulot na siya ay magpakumbaba, matiisin at mapagpasalamat kay Allah. Ang kapatiran ay napalalawig na ang mga Muslim ay iisang nasyon lamang sa kabila ng kanilang pagkakaiba-iba.

Pahimakas

Ang limang haligi ng Islam ay isinabatas ni Allah at ang Muslim ay marapat na maniwala at magsabuhay ng mga ito. Ang mga ito ay praktikal, madali at ang mga biyaya at karunungan sa likod ng mga ito ay napakarami. Kung titingnan, ang mga ito ay nag-aambag sa kainaman ng tao at ng lipunan, na nagpapaunlad sa kanyang katauhan at mabuting asal na magdudulot na ang lipunan at indibidwal ay magkaroon ng pananagutan at maging mas malapit kay Allah.

Ang mga dakilang haligi ng Islam ay para sa kapakanan ng mga nilikha ni Allah dahil si Allah ay walang anumang pangangailangan. Ang limang haligi na ito ay nagdudulot ng tumibay ang pundasyon at maging pagsasanay para sa pag-unlad at tagumpay ng sangkatauhan.

Similar Downloads

No related download found!