Description
Ano ang sinasabi ng Islam tungkol sa Ateismo
Kami ay nagpakita sa kanila ng Aming mga tanda sa abot-tanaw at sa loob ng kanilang mga sarili upang maging malinaw sa kanila na ito ang katotohanan. Quran 41:53
Ang polyeto na ito ay nagpapakilala ng pananaw ng Islam sa paniniwala sa Diyos. Ito ay nagpapaliwanag kung paanong ang Diyos ay nagpapakita ng mga tanda tungkol sa Kanyang pag-iral – sa parehong mga tanda na mula sa Kanyang mga nilikha at sa pamamagitan ng mga kapahayagan. Ito rin ay naglilinaw ng karaniwang tanong ng mga atheist.
Ang Diyos ay naghahangad na makilala natin Siya sa pamamagitan ng Kanyang mga tanda at nagdulot na tayo ay managot kung paano tayo magmumuni-muni sa mga ito upang kilalanin Siya. Ang ilan sa mga tao ay tumatanggap sa mga tandang ito at nakikita nila ang mga gawa ng Diyos sa paligid nito. Ang iba naman ay tumatakwil dito at naniniwala na ang mga ito ay walang kapararakan at walang kahulugan. Ang Diyos ay naglagay sa bawat tayo ng natural na pagkiling na maniwala, ngunit ang natural na pagkiling na ito ay hindi napagyayaman o kaya ay nasusupil.
Pinakamahalaga, ang Diyos ay naggagabay sa mga tao na tausp-puso at naghahangad ng gabay kaya yaong mga naghahangad na maniwala sa Diyos ay hindi magagabayan.
Sinabi ng Diyos, ‘Si Allah ay naggabay sa sinumang naisin Niya patungo sa Kanya.’ Quran 13:27
Ito ay nangangailangan ng pagiging makatwiran at kawalan ng kinikilingan upang mapagtanto ang posibilidad ng pag-iral ng Diyos, na para sa ilang tao ay mahirap na matanggap. Kung wala ang bukas na pag-iisip at puso ay walang anumang dami ng impormasyon ang magdudulot sa sinumang na maniwala. Sa katotohanan, ang Diyos ay nagbababala sa atin na yaong tumatanaw sa Kanyang mga tanda nang may pagmamalaki ay lalo na pang makakakita ng batayan para sa kanilang kawalang pananampalataya.
Kaya, hinahangad natin na yaong mga taus-puso, bukas ang pag-iisip at tunay na naghahangad ng katotohanan ay makinabang sa mga kaalamang ito at makatulong na sila ay magkaroon ng bagong pananaw sa pag-unawa sa Diyos.
Mahalaga na bigyang-diin na dahil sa pinagkaiba ng Islam sa Kristiyanismo, karamihan sa mga puna sa Kristiyanismo ay hindi mailalapat sa Islam.
Mga Dahilan upang Maniwala
Ang mga sumusunod ang tatlong rasyonal na dahilan sa paniniwala sa Tagapaglikha.
1. Ang Pagsisimula ng Sansinukob
Ang unang patunay ay tumutukoy sa pag-iral ng Tagapaglikha
Isipin mo na kung ikaw halimbawa ay naglalakad sa disyerto at nakatagpo rito ng relo. Nalalaman natin na relo ay binubuo ng salamin, plastic at bakal. Ang salamin ay nanggaling sa buhangin, ang plastic sa langis at ang bakal ay mula sa lupa – mga sangkap na pawang matatagpuan sa disyerto. Maniniwala ka ba na binuo ng relo ang sarili nito? Maniniwala ka ba na ito ay nabuo sa pamamagitan ng liwanag ng araw, pag-ihip ng hangin, pagkidlat, pagbulwak ng langis sa lupa at nahalo ang mga ito sa buhangin at bakal sa loob ng ilang milyong taon ay nabuo ang relo nang dahan-dahan?
Sila ba ay nilikha mula sa kawalan, o nilikha ba nila ang kanilang mga sarili? Quran 52:35
Ayon sa makabagong siyensiya, ang sansinukob ay may hangganan at may simula. Kaya, saan kaya nagsimula ang sansinukob na ito? Ang karanasan ng mga tao at simpleng lohika ay magsasabi sa atin na ang anumang bagay na may simula ay hindi maaaring lilitaw mula sa kawalan o kaya ay lilikha ng sarili nito. Maaari nating ikatwiran na ito nga ay nilikha ng isang makapangyarihang Tagapaglikha. Ang Tagapaglikha na ito ay makapangyarihan at matalino dahil nilikha nito ang buong sansinukob at naglagay dito ng mga sistemang siyentipiko na umiiral dito. Maikakatwiran din natin na ang Tagapaglikha na ito ay indi saklaw ng panahon o espasyo, dahil ang oras, espayo at anumang bagay ay nagsimula lamang sa pagkakalikha sa sansinukob. Lahat ng ito ay mga katangian na bumubuo sa pangunahing konsepto ng Diyos, ang Tagapaglikha ng sansinukob.
Ang ilan ay magtatanong, ‘Sino ang lumikha sa Diyos?’
Ang Diyos, ang Tagapaglikha ay iba pa sa Kanyang mga nilikha. Hindi katulad ng sansinukob at lahat ng mga nilikha, ang Diyos ay buhay habang-panahon at hindi namamatay, Siya ay umiiral nang walang simula o wakas.
2. Pagiging Perpekto ng Sansinukob
Ang pangalawang patunay ng pag-iral ng isang Tagapaglikha ay ang kaayusan at balanse na matatagpuan sa ating komplikadong sansinukob.
Ang isang malaki at komplikadong sansinukob ay mabubuo ba nang walang lumikha sa namamahala rito?
Ang marami sa mga katangian ng Earth ay nagpapabatid na ito ay dinisenyo upang magkaroon ng buhay, tulad ng distansiya ng Earth mula sa araw, ang kapal ng crust ng Earth, ang bilis ng pag-ikot ng Earth, ang porsiyento ng oxygen sa atmosphere at kahit ang pagkiling ng Earth sa axis nito. Kung ang mga ito ay maiiba mula sa sukat nito ngayon ay maaaring hindi iiral ang buhay.
Tulad lamang kung paanong ang isang relo ay may matalinong tagapaglikha na nagdulot na ito ay magkaroon ng tamang oras, ganito rin ang Earth kung paanong ito ay mayroong matalinong Tagapaglikha na nagdudulot na ito ay umikot sa tamang panahon sa paligid ng araw. O maaari kayang iikot ito sa sarili lamang nitong kagustuhan?
Kapag nakikita natin ang kaayusan, ang mga eksaktong batas at sistema na nasa ating mga sarili at sa sansinukob, hindi ba’t rasyonal lamang na paniwalaan na mayroong tagapagsaayos nito? Ang tagapagsaayos na ito ay pinakamainam na mailalarawan bilang ang Diyos – na Siyang nagdulot na magkaroon ng ganitong kaayusan.
Marapat na mabigyang-diin na ang Islam ay naghihimok ng siyentipikong pananaliksik at pagmumuni-muni. Ang papel ng siyensiya ay tumutulong sa atin na ilarawan ang marami sa mga naoobserbahan nating mga pangyayari na inilalagay ng Panginoon sa Kanyang nilikha at marapat nga nating kilalanin ang Kanyang kapangyarihan at katalinuhan. Ang mga pagsulong sa mga siyentipikong pagkakatuklas, tulad lamang ng iba pang mga mekanismo o proseso na nakikita natin sa natural na mundo tulad ng water cycle at gravity ay pawang mga tanda ng isang tagapagsaayos at tagapagdisenyo at hindi mga argumento laban sa pag-iral ng Panginoon.
3. Kapahayagan mula sa Diyos
Ang pangatlong patunay ay sa aktuwal na kapahayagan na ipinadala ng Diyos sa sangkatauhan bilang patunay ng Kanyang pag-iral.
Isa sa mga layunin ng aklat ng Islam, ang Quran, ay ang anyayahan ang mga tao na magmuni-muni at magpahalaga sa paglikha ng Diyos bilang paraan ng paniniwala sa Kanya. Sa buong Quran, ang Diyos ay nagtatawag sa ating pansin tungo sa Kanyang kagila-gilalas na mga disenyo at pagiging komplikado ng mundo at kahit sa loob ng ating mga sarili, naririto ang sapat na patunay na tayo ay resulta ng isang pagdisenyo, pagkakaroon ng layunin at katalinuhan. Sinabi ni Allah:
Tunay na sa pagkakalikha sa kalangitan at lupa, sa pagpapalitan ng gabi at maghapon, gayundin sa malalaking barko na naglalayag sa dagat na nagdudulot ng pakinabang sa mga tao at sa ibinaba ni Allah mula sa langit na tubig na binubuhay Niya sa pamamagitan nito ang lupa matapos ang pagkatigang nito at nagpasibol dito ng lahat ng uri ng hayop. Gayundin sa pamamahala Niya sa hangin at mga ulap na nakaaapekto sa langit at lupa. Katiyakang ang mga ito ay mga palatandaan para sa mga taong nag-iisip. Quran 2:164
Karagdagan pa rito, mayroong malilinaw na mga tanda na ang Quran ay salita ng Diyos.
Ang Quran:
Ito ay malaya mula sa mga pagkakamali at salungatan
Ito ay pinangalagaan sa bawat salita nito mula nang ito ipinahayag sa orihinal na wikang Arabic na hindi tulad ng iba pang kasulatan.
Ang Quran ay nakabisado nang buo ng milyun-milyong mga Muslim.
Ito ay may simple, dalisay at pandaigdigang mensahe na kumakausap sa talino ng tao at kanyang likas na mga paniniwala tungkol sa Diyos.
Ito ay mahigit 1400 taon ngunit naglalaman ng mga katotohanang siyentipiko na hindi nalalaman ng mga tao noong panahon na yaon at kasalukuyan lamang natuklasan ng mga siyentipiko. Halimbawa rito: ang tubig ang siyang pinagmulan ng lahat ng bagay na may buhay (Quran 21:30); ang paglaki ng sansinukob (Quran 51:47) at ang kanya-kanyang iniikutan ng araw at buwan (Quran 21:33).
Ito ay naglalaman ng mga katotohanan tungkol sa kasaysayan ng mga tao at iba pang mga propesiya na kalaunan ay napagtibay na tama o natupad.
Ang Quran ay may malalim na epekto sa mga tao.
Ito ay ipinahayag kay Propeta Muhammad na nakikilala na hindi marunong bumasa at sumulat, ngunit ito ay nasa isang istilo na maituturing na rurok ng husay sa wikang Arabic.
Ang pinakarasyonal na paliwanag lamang sa maraming natatangi at mahimalang katangian ng Quran ay ang katotohanan na ito ay galing sa Diyos.
Mga tanong at sagot tungkol sa Diyos
Bakit tayo Nilikha ng Diyos?
Ang lahat ay kumikilala na ang mga bahagi ng ating katawan tulad ng ating mga mata, tainga, utak at puso ay may saysay. Hindi ba’t dahil dito ay makatwiran lamang na ang kabuuan ng tao ay may saysay din?
Ang Diyos, ang matalino ay hindi lumikha sa atin nang walang kapararakan o upang tuparin lamang ang ating mga pagnanasa. Bagkus, ang Diyos ay naglarawan sa buhay na ito bilang pagsubok. Ang bawat tao ay sinusubok kung sino ang kikilala sa Diyos at susunod sa Kanyang gabay.
Tunay na nilikha Namin ang tao mula sa namuong laman upang subukin Namin siya at ginawa Namin siyang nakaririnig at nakakakita. Tunay na ginabayan Namin siya sa landas kung siya ba ay mapagpasalamat o hindi mapagpasalamat. Quran (76:2-3)
Para sa marami ang kanilang problema ay hindi tungkol sa paniniwala sa Diyos bagkus ay kung ano ang magiging resulta ng paniniwala sa Kanya. Ito ay mangangahulugan na mananagot ang tao sa kanyang mga gawa na magiging sagabal sa buhay na nais nila. Kaya, ang pagsubok sa buhay na ito ay naglalaman ng pagsunod at pagpapakumbaba ng ating mga sarili sa Diyos, sa halip na sa ating mga pagnanasa at pagmamalaki.
Bakit kailangan pa tayong subukin ng Diyos?
Ang Diyos ay walang pangangailangan sa anuman – hindi Niya kailangang lumikha at hindi Niya kailangang subukin ang sinuman.
Wala Siyang pakikinabangan sa ating paniniwala at hindi siya apektado ng kawalang pananampalataya. Bagkus, bahagi ng Kanyang walang hanggang kaalaman na nilikha Niya tayo at binigyan tayo ng oportunidad na makilala Siya. Nalalaman ng Diyos ang hinaharap - ang punto rito ay upang tayo ay mabuhay at maranasan ang ating mga buhay at magkaroon ng malayang pagpili.
Mayroon ba talaga tayong pagpipilian?
Ang katotohanan na nalalaman na ng Diyos ang ating magiging mga desisyon ay hindi nangangahulugan na ang mga ito ay hindi boluntaryo. Bagaman nais ng Diyos na ang mga tao ay maniniwala sa Kanya, Siya ay hindi pumipilit sa kanila. Kung ninais ng Diyos ay ginabayan Niya ang buong sangkatauhan dahil Siya ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ngunit sa Kanyang katalinuhan, Siya ay lumikha sa atin na may kakayanan na pumili at tayo ay mananagot sa ating pagpili. Ang Diyos ay magpapahintulot na mangyari ang anuman kahit ang mga bagay na hindi Niya kinalulugdan.
Bakit hindi ipinapakita ng Diyos ang sarili Niya?
Sa karunungan ng Diyos, pinili Niya na Siya ay makikilala sa pamamagitan ng Kanyang mga tanda at hindi sa pagpapakita, ito ay isa sa mga pagsubok ng buhay.
Dinulot Niya na maging pananagutan natin na gamitin ang ating mga kakayanan na ibinigay sa atin upang kilalanin Siya, ito ay nangangahulugan na tanging ang mga taus-puso, mapagpakumbaba at nagmumuni-muni sa mga tanda Niya ang kikilala at maniniwala sa Kanya.
Bakit may paghihirap sa mundo?
Ang katotohanan na ang mga tao ay sinusubok sa ibat ibang mga paraan ay hindi nangangahulugan na walang Diyos.
Bagkus, ang mabuti at ang masama na pinahihintulutan ng Diyos na mangyari ay bumubuo sa pagsubok sa atin dito sa mundo. Hindi natin mako-kontrol kung ano ang mangyayari sa atin, ngunit mako-kontrol natin kung paano tayo tutugon sa mga pagsubok na ito, na dito ay hahatulan Niya tayo. Ang mundo na ito ay panandalian at hindi nagtatagal, dahil ang buong katarungan ay sa Kabilang-buhay, na habang-panahon, na siyang tunay na magiging kapalit sa anumang dinanas ng tao na paghihirap sa mundo.
Bakit pinarurusahan ng Diyos ang mga tao?
Walang makatatanggi sa konsepto ng parusa, na kinakailangan para sa katarungan. Ang Diyos ay lumikha sa atin nang may kakayanan na pumili kung paano natin nanaising mabuhay, na siyang pananagutan natin.
Yaong mga taus-pusong nagsisikap na sundin ang Diyos ay magkakamit ng habag ng Diyos. Ngunit yaong hindi maingat sa kanilang layunin sa buhay at nagtatakwil sa Diyos, sila rin ang pumili nito at sila ay mananagot dito. Walang sinumang maaaring manisi sa Diyos. Ang Diyos ay hindi lumikha sa mga tao upang parusa sila, bagkus ay naghahangad Siya ng kadalian at habag para sa kanila. Ang katotohanan na nalalaman ni Allah ang ating mga pipiliin ay hindi nangangahulugan na ang ating gawain ay hindi natin pinili o tayo ay walang pananagutan dito.
Ang Islam ay relihiyon na naghihimok tungo sa balanse sa pagitan ng pag-asa sa habag ni Allah at takot sa kanyang parusa – na parehong magdudulot na ang tao ay mabuhay nang positibo at mapagpakumbaba. Ang Diyos ay Maawain ngunit Siya rin ay Makatarungan. Kung walang Araw ng Paghuhukom, ito ay taliwas sa perpektong katarungan ni Allah at ang buhay ay mawawalan ng katarungan.
Pahimakas
Tayo ba ay naririto lamang ng 80 taon, humigit kumulang? Hanggang dito na lang ba talaga o may iba pang mga bagay sa buhay?
Tayo ba ay mga makabagong unggoy lamang na walang layunin sa buhay? Tayo ba ay mga nilikhang may pangangailangang pisikal lamang at wala nang ispiritwal na pangangailangan?
Para sa mga taus-puso ngunit hindi pa nakatitiyak tungkol sa Diyos, ang aming payo ay ipanalangin ito:
‘O Allah, kung Ikaw ay umiiral ay gabayan Mo ako.’ Magugulat ka sa resulta nito.
