Ang kamatayan at Kabilang-buhay sa Islam

8.35 MB 79 1 Files
albyan
or download free
[free_download_btn]

Description

Ang kamatayan at Kabilang-buhay sa Islam

‘Ang bawat isa ay makatitikim ng kamatayan.’ Quran 29:57

Alamin ang mga pangunahing kaalaman

Ang kamatayan ay malapit

Nasaan ka man, ang kamatayan ay darating sa iyo kahit ikaw pa ay nasa kastilyo na itinayong matibay at mataas. Quran 4:78

Ang kamatayan ay isang katotohanan na hindi matatakasan ninuman. Ito ay palapit nang palapit araw-araw, oras-oras, minu-minuto. Ayon sa 2007 World Fact Book ng CIA, 2 tao ang namamatay kada segundo. Yaon ay 57.9 milyon katao taun-taon. Ang bawat isa sa mga nilikha ay darating sa hindi matatakasang itinakda, anuman ang kanilang edad, kalusugan, antas sa Lipunan o kabanalan. Nasaan na ba ang mga nakalipas na mga hari, mayayaman at makapangyarihan? Nasaan na ang mga dating magaganda, sikat at matatalino?

Ang katotohanan tungkol sa kamatayan.

Ang kamatayan ay hindi isang sakuna, ito ay isang simpleng paglisan sa mundo tungo sa susunod. Ito ay marapat na magdulot na tayo ay magnilay-nilay sa layunin ng buhay at kung ano ang mangyayari sa atin pagkatapos ng kamatayan.

Si Allah ay nagpabatid sa atin sa Quran na Siya ay lumikha sa atin sa layunin na tayo ay sasamba sa Kanya lamang at dinulot Niya na ang buhay ay maging pagsubok upang makita Niya kung sino ang tutupad sa layuning ito:

Hindi Ko nilikha ang mga engkanto at mga tao liban na lamang upang sumamba sa Akin. Quran 51:56

Si Allah rin ay nagpabatid sa atin sa layunin ng pagkakalikha sa kamatayan at buhay:

Siya ang lumikha sa kamatayan at buhay upang subukan kayo kung sino sa inyo ang magiging mabuti sa inyong mga gawa. Quran 67:2

Ang tao ay hindi naghahanda sa kanyang kamatayan sa pamamagitan ng pagbabayad nang maaga sa punerarya o pagpili ng kabaong. Ito ay nasa pagtupad sa layunin ng buhay, upang sambahin si Allah nang nag-iisa at walang katambal, upang mamuhay ayon sa kanyang mga utos at gumawa ng mabuti. Ang konsepto ng pagsamba sa Islam ay nakasasaklaw sa lahat at hindi lamang limitado sa pagdarasal. Sa katotohanan, ang anumang gawaing kalugud-lugod kay Allah ay maituturing na gawaing pagsamba at ang gumagawa nito ay magagantimpalaan.

Ang panahon ng kamatayan

Marapat na tingnan ng bawat isa kung ano ang inihanda nila para sa kinabukasan. Quran 59:18

Araw-araw ay nakakakita tayo ng mga halimbawa ng kamatayan. Nakasaksi tayo ng payapang kamatayan ng isang namatay nang walang sakit o karahasan. Ngunit hindi ito ganito kasimple. Kapag namatay ang tao, ang kanyang kaluluwa ay umaalis sa katawan kaya ang pisikal na anyo ng tao ay maaaring walang kinalaman sa kalagayan ng kanyang kaluluwa. Ang pagiging payapa o balisa ng kaluluwa ay resulta kung paano niya isinabuhay ang layunin sa pagkakalikha sa kanya, at walang kinalaman sa dahilan ng kanyang kamatayan.

Isipin ninyo ang halimbawa ng dalawang tao na may isang tiket patungo lamang sa kanilang patutunguhan sa isang lugar na hindi pa nila napuntahan. Ang unag tao ay umaalam sa kanyang daratnan, sa kanilang wika, kultura at gawi na may kinalaman sa kanyang pupuntahan. Inihanda niya ang tamang uri ng pera at mga bakuna at sa kanyang paglalakbay ay walang aberya. Siya ay ligtas at panatag dahil siya ay naghanda.

Sa kabilang-dako, ang pangalawang tao ay hindi maingat sa kanyang paghahanda at namumuhay para sa kasalukuyan lamang hanggang sa panahon ng paglisan. Siya ay darating sa hindi nakikilalang destinasyon na natatakot at nalilito. Ang kanyang kawalan ng paghahanda ay nagdulot sa kanya ng masamang kahihinatnan dahil ang kanyang mga dinala ay hindi pala niya magagamit.

Sinabi ni Allah sa Quran bilang paglalarawan sa taong yaon na walang pagpapahalaga:

Kapag dumating ang kamatayan sa isa sa kanila ay sasabihin nito, ‘Panginoon ko, ibalik mo ako upang ako nawa ay gumawa ng mabuti sa akin iniwan.’ Hindi, bagkus ito ay salita lamang na kanyang sinasabi. Quran 23:99-100

Tingnan mo rin ang tugon ng mga taong itatapon sa Impiyerno

Sasabihin nila, ‘Hindi kami kabilang sa mga nagdasal at nagpakain sa mahihirap. Kami ay nangungusap ng walang saysay. Kami ay tumatanggi sa Araw ng Paghuhukom hanggang sa dumating sa amin ang tiyak na kamatayan. Quran 74:43-47

Lahat tayo ay may takdang pakikipagtagpo sa kamatayan, at tayo ay tutungo sa hindi nakikilalang destinasyon. Tanungin mo ang iyong sarili, handa ka ba para rito?

Ang Layunin ng Buhay

Inaakala ba ninyo na Kami ay lumikha sa inyo nang laru-laro lamang at hindi kayo ibabalik sa Amin? Quran 23:115

Ang buhay ay pagsubok na nagwawakas sa kamatayan, ngunit hindi ito nangangahulugan ng pagtigil ng kanyang pag-iral. Kapag dumating ang kamatayan, ang pagkakataon na gumawa ng kabutihan ay tumitigil. Huli na ang lahat upang magbalik-loob at ang ating mga tadhana ay nakasalalay na lamang sa ating paniniwala at gawa na ating nagawa sa ating mga buhay. Ang buhay ng tao ay nahahati sa dalawa: ang maikling pananatili sa mundo at ang habang panahong buhay sa kabila. Ang sinumang may matinong pag-iisip ay magkakaroon ng konklusyon na ang habang panahong kaligayahan ay mas mahalaga kaysa sa maikling ligaya sa mundo.

Si Allah ay lumikha sa sangkatauhan at dinulot na tayo ay managot sa ating mga gawain sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng Kalayaan sa pagpili at talino upang malaman ang tama at mali. Kung walang Kabilang-buhay na kung saan ang mabuti ay magagantimpalaan at ang masama ay maparurusahan, yaon ay magiging taliwas sa perpektong katarungan ni Allah.

Kaya, hinihiling talaga ng katarungan na magkaroon ng Araw ng Paghuhukom na kung saan ang bawat kaluluwa ay tutuusin.

Tatratuhin ba Namin ang mga mananampalataya na tulad ng mga makasalanan? Ano ang problema ninyo? Napakasama ng inyong paghatol. Quran 68:35-36.

Ang Araw ng Paghuhukom

Ang kamatayan na pilit ninyong tinatakasan ay aabot sa inyo. At kayo ay ibabalik sa nakababatid sa mga nalilingid at hayag at ipababatid Niya sa inyo ang mga dati ninyong ginawa. Quran 62:8

Lahat ng ginawa ng tao sa mundo ay itinala at pinangangalagaan tulad ng sinabi ni Allah,

At ang Aklat ng mga tala ay bubuksan at makikita mo ang mga makasalanan sa matinding takot sa anumang nakatala rito. Sasabihin nila, ‘Kapahamakan sa amin, ano ang aklat na ito na walang iniiwan na maliit man o malaki liban na lamang na nakatala rito. Makikita nila ang lahat ng kanilang ginawa sa kanilang harapan. Ang iyong Panginoon ay hindi mang-aapi sa sinuman. Quran 18:49

Tayo ay mamamangha sa pagiging tumpak ng talaan na yaon ng lahat ating mga gawa na tayo ay mapaaalalahanan sa mga bagay na matagal na nating nakalimutan. Sinabi ni Allah,

Si Allah ay nagtala sa mga ito habang nakalimutan na nila ito. Quran 58:6

Sa pag-iisip nang malalim dito ay marapat lamang na mahiya tayo na gumawa ng kasalanan habang nalalaman natin na ito ay itatala laban sa atin at ihahayag sa Araw ng Paghuhukom sa harap ni Allah,

Para roon sa mga nagdududa sa mga kakayanan ni Allah na buhayin silang muli at hatulan, si Allah ay nagsabi tungkol sa sasabihin ng mga hindi nanampalataya,

Sino ang magbibigay ng buhay sa mga butong ito kung ito ay nabulok na at naagnas? Sabihin O Muhammad, ‘ Ang Siyang magbibigay buhay sa mga ito ay Yaong lumikha sa kanila sa unang pagkakataon pa lamang. Siya ay pinakanakaaalam sa Kanyang mga nilikha.’ Quran 36:78-79

Paraiso at Impiyerno

Yaong mga naniniwala kay Allah bilang nag-iisang diyos na marapat sambahin at gumawa ng mabuti, sila ay gagantimpalaan ng Paraiso.

Tunay na ang mga mananahan sa Paraiso, sa araw na yaon ay magiging abala sa mabuting mga bagay. Sila at ang kanilang mga asawa ay nasa kagiliw-giliw na mga lilim na nakasandal sa mga trono. Sila ay magkakaroon dito ng mga prutas sa lahat ng uri at anumang kanilang hilingin. Quran 36:55-57

Si Propeta Muhammad ay nag-ulat na sinabi ni Allah

Inihanda Ko para sa Aking matuwid na alipin ang mabubuting mga bagay na wala pang mata ang nakikita, wala pang tainga ang nakarinig at wala pang puso ng tao ang nakaisip.

Ito ay may matinding pinagkaiba sa mga tao na tumatanggi sa kaisahan ni Allah, na sasabihin sa kanila,

Ito ang Impiyerno na ipinangako sa inyo. Masunog kayo rito sa araw na ito dahil sa inyong kawalan ng pananampalataya. Quran 36:63-64

Para sa mga hindi nanampalataya ang pinakamatinding parusa

Tunay na ang Impiyerno ay naghihintay para sa mga suwail. Lugar ng pagbabalik na sila ay mananatili rito nang walang hanggan. Hindi sila makatitikim dito ng lamig o inumin liban na lamang sa kumukulong tubig at nana – marapat lamang na gantimpala. Tunay na sila ay hindi nag-aakala na sila ay tutuusin at nagpasinungaling sa Aming mga tanda ng matinding pagpapasinungaling. Ngunit ang lahat ng bagay ay itinala namin sa isang aklat, ‘Kaya tikman ninyo ito at hindi Namin daragdagan ang makasalanan liban pa sa parusa.’ Quran 78:21-30

Pahimakas

O tao, ano ang nanlinlang sa iyo laban sa iyong Panginoon na mapagbigay. Ang lumikha sa iyo at naghugis at nagtama sa iyong anyo. Hindi, bagkus kayo ay nagpapasinunglaing sa Araw ng Paghuhukom. Quran 82:6-9

Tunay na ang matutuwid ay nasa kaligayahan at tunay na ang masasama ay nasa Impiyerno. Quran 82:13-14.

Ang kamatayan ay hindi mapipigilan. Ang layunin natin sa buhay ay ang sambahin ang Diyos nang nag-iisa at walang katambal, sa paggawa ng mabubuting gawa at pag-iwas sa mga ipinagbabawal. Ang ating tadhana ay hahatulan ayon sa ating mga gawa upang magamit natin ang ating pagkakataon sa lupa na matiyak ang ating lugar sa Paraiso o masasayang lamang natin ito at ibulid ang ating mga sarili sa parusa sa Impiyerno.

Similar Downloads

No related download found!