Description
Ano ba talaga ang nalalaman mo tungkol sa Islam?
Panimula
Islam ang isa sa pinakamalalaking relihiyon sa mundo ngunit ito ang isa sa mga pinaka-hindi nauunawaan. Ito ay nangyayari sa ibat ibang mga kadahilanan, maaaring ito ay politikal, pang-ekonomiya, dahil sa media na may kinikilingan o dahil sa takot sa mga hindi nila kapanalig. Lahat ng ito ay mga kasinungalingan o mga maling pag-unawa na may kinalaman sa Islam at sa mga Muslim. Ang susi sa pag-unawa sa Islam at sa mga Muslim ay ang paglabanan ang mga stereotype o paglalahat at masusing pag-aralan ang bawat sitwasyon ayon sa turo ng Islam at mapananaligang mga pinagkukuhanan.
Unang Maling Pag-unawa - Ang mga Muslim ay hindi nagbabahagi ng mabubuting pakikitungo sa mga hindi Muslim.
Sinabi ni Propeta Muhammad - sallallahu alayhi wa sallam, ‘Ang Pinakamainam sa inyo ay yaong pinakamainam sa inyo sa ugali at asal.’
May ilang mga tao na nagbibintang na ang mga pagpapahalagang Islamiko ay hindi nababagay sa mga kanluraning pagpapahalaga. Ang mga pag-aangkin na ito ay napakalayo sa katotohanan.
Ang mga Muslim ay nagpapahalaga sa mga mabubuting asal na kinikilala sa buong mundo tulad ng:
* Katapatan at pagiging makatarungan
* Pagtupad sa ipinangako
* Pagpapahintulot sa kalayaan sa relihiyon
* Paggalang sa mga magulang, kamag-anak, kapitbahay at nakatatanda
* Pagkakawanggawa, pagiging mapagbigay at pagtulong sa mga hikahos at dukha
* Pangangalaga sa kapitbahay
* Hindi pagsisinungaling, pagmumura o panlilibak sa sinuman.
Ang mga Muslim ay inoobliga na mag-ambag ng mga positibong ambag sa lipunan at ang kumilos ayon sa pinakamataas na antas ng pagkilos.
Ikalawang maling pag-unawa - Ang mga Muslim ay sumasamba sa isang bagong diyos, si Allah.
Ang mga Muslim ay sumasamba sa parehong Diyos na sinamba ng mga Propeta na sina Noah, Abraham, Moises at Jesus.
Ang salitang Allah ay salitang Arabic lamang na pangngalang pantangi para sa makapangyarihang Diyos - ito ay isang salitang Arabic na may malawak na kahulugan na nangangahulugan ng nag-iisa at walang katambal na Diyos. Allah rin ang pangalang ginagamit ng mga Kristiyano at Hudyo na nagsasalita ng wikang Arabic kapag tinutukoy nila ang Diyos.
Bagaman ang mga Muslim, Hudyo at Kristiyano ay naniniwala sa iisang Diyos o Tagapaglikha, ang kanilang konsepto ng pagkilala sa kanya ay nagkakaiba. Halimbawa, ang mga Muslim ay tumatanggi sa ideya na ang Diyos ay maaaring magkaroon ng mga katambal bilang bahagi ng Tatlong Persona o Trinity dahil ang mga Muslim ay kumikilala lamang sa pagiging perpekto ng Diyos, ang makapangyarihan.
Ikatlong maling pag-unawa - Ang Islam ay Nagpapahintulot ng Terorismo
Ang Media sa pangkalahatan ay naglalarawan sa sinumang Muslim na nakikibaka na ito ay terorista, maging ito man ay nakikibaka para sa katarungan o hindi o kung sila ba ay nang-aapi o inaapi.
Sa digmaan, ang pambibiktima sa mga inosente at hindi naman sundalo ng kalaban ay isang kamuhi-muhing gawain na malinaw na ipinagbabawal sa Islam. Sa katotohanan, ang mga Muslim ay hindi pinahihintulutan na mangwasak ng halaman at hayop nang walang kapararakan, kaya paano pa nila itong magagawa sa kapwa nila tao. Sa kabila nito, marapat na makilala ng tao ang pinagkaiba sa pagitan ng terorismo at lehitimong pakikibaka laban sa pananakop, dahil ang dalawang ito ay malinaw na magkaiba.
Ang Quran ay malinaw na nagpapahayag ng pagiging karumal-dumal ng pagpatay sa inosente habang binibigyang-diin ang halaga ng buhay ng tao.
Sinumang pumatay ng inosenteng tao ay tulad ito ng pagpatay niya sa lahat ng tao. Sinumang magligtas ng isang buhay ay tulad ng pagliligtas niya sa lahat ng tao. Quran 5:32
Ikaapat na Maling Pag-unawa - Ang Islam ay Nang-aapi sa Kababaihan
Sa Islam, ang kalalakihan at kababaihan ay kinikilalang magkapantay sa mata ng Diyos sa usapin ng pagkakatanggap nila ng pantay na gantimpala at pantay na pananagutan sa kanilang mga gawa. Ang tanging pinagkaiba ng mga tao ay ang antas ng kanilang takot kay Allah.
‘Tunay na ang pinakamarangaln sa inyo sa paningin ni Allah ay yaong pinaka-may takot sa inyo sa Kanya.’ Quran 49:13
Ang talata na ito ay nagpapatunay na ang tunay na karangalan at mataas na antas ay hindi nakakamit dahil lamang sa ang tao ay mayaman o mahirap, maitim o maputi, lalaki man o babae; bagkus ito ay makakamit sa pamamagitan ng kabanalan.
Si Allah, ang tagapaglikha ng parehong kasarian ay nagtalaga ng magkakaibang papel at gampanin sa isat isa nang pagsasaalang-alang sa kanilang mga pinagkaiba.
Ang kababaihan ay binibigyan ng lubos na paggalang at pagpaparangal tulad ng patas na karapatan sa suweldo, pagpili ng mapapangasawa, pagpapatuloy ng pag-aaral, at gayundin sa kanyang mga karapatan sa diborsiyo at pagmamana.
Sa kasamaang-palad ay mayroong ngang mga babaeng Muslim ang inaapi at hindi binibigyan ng kanilang mga karapatan. Ito ay hindi kasalanan ng Islam. Ang problema ay matatagpuan sa ilang mga Muslim na ang kanilang mga kultura at tradisyon na walang kinalaman sa Islam.
Ikalimang Maling Pag-unawa - Ang Quran ay isa na namang Aklat ng Kasaysayan o Aklat ng mga Tula
Ang Quran ay literal na banal na salita ng makapangyarihang Diyos na ipinahayag kay Propeta Muhammad - sumakanya nawa ang kapayapaan, sa pamamagitan ni Anghel Gabriel. Ito ay ang pamantayan ng tama at mali at naglalaman ng gabay para sa sangkatauhan na maaari nilang sundin. Ang Quran ay naglalaman ng mga aral mula sa nakalipas na mga henerasyon at kasaysayan ng mga propeta upang tayo ay makakuha ng aral mula sa kanilang mga karanasan. Ito ay nagtuturo din tungkol sa ating mga sarili at sa ating Tagapaglikha, gayundin sa layunin sa pagkakalikha sa atin, at ito ay ang kilalanin ang Diyos at sambahin SIya nang nag-iisa at walang katambal.
Ang Diyos ay hindi lumikha ng mga tao upang mamuhay nang walang kapararakan. Ang pagsubok sa pananampalataya ninuman ay nasa paggamit niya ng kanyang talino, sariling pagpapasya at pangangatwiran upang magmuni-muni sa mga tanda ni Allah - at ang pinakadakila sa mga ito ay ang Quran.
Ang Quran ay naglalaman ng maraming mga himala upang hindi tayo magduda sa pagiging tunay nito.
Ang pinakamainam na paraan upang matuklasan ang Quran ay ang pagbabasa nito.
Ikaanim na Maling Pag-unawa - Ang Hijab ay Mapang-api
Upang maisabuhay nang tama ang Hijab, ang kababaihan ay inoobliga na matakpan nang maayos ang kanilang mga katawan sa pamamagitan ng pananamit na hindi maaaninag dito ang kanilang mga hugis sa harap ng kalalakihang hindi malapit na kamag-anak. Ngunit ang Hijab ay hindi lamang tungkol sa panlabas na anyo; ito ay tungkol din sa marangal na pananalita, kahinhinan, at marangal na pagkilos.
Bagaman may mga pakinabang ang Hijab, ang pangunahing dahilan na ang kababaihang Muslim ay nagsusuot ng Hijab ay dahil sa ito ay utos ni Allah at nalalaman Niya kung ano ang pinakamainam para sa Kanyang mga nilikha.
Ang Hijab ay nagbibigay ng kapangyarihan sa babae na higit na magkakaroon ng halaga ang kanyang ispiritwal na kainaman sa halip na ang kanyang pisikal na kagandahan. Ito ay nagbibigay sa babae ng kalayaan na maging aktibong kasapi ng lipunan habang nananatiling disente at mahinhin.
Ang Hijab ay hindi kumakatawan sa pang-aapi, pangyuyurak o pagpapatahimik. Bagkus, ito ay panangga laban sa bastos na pananalita, hindi marapat na paglapit ng kalalakihan at pagkakait ng karapatan dahil lamang sa hitsura. Kaya, sa susunod na ikaw ay makakita ng babaeng Muslim ay dapat mong malaman na ang kanyang tinatakpan ay ang kanyang pisikal na anyo at hindi ang kanyang isip o talino.
Ikapitang Maling Pag-unawa - Ang lahat ng mga Muslim ay Arabo
Humigit kumulang 20% lamang ng mga Muslim ang mga Arabo. Ibig sabihin, 80% ng mga Muslim ay hindi Arabo. Bilang halimbawa, mas marami ang mga Muslim mula sa India at Indonesia kaysa sa mga Arabong Muslim.
Ang Islam ay nagtuturo na ang sinumang indibidwal ay hindi nakahihigit sa sinuman dahil lamang sa kanyang lahi o kulay. Ang Islam ay mahigpit na tumataliwas sa racism. Ang Islam ay mayroong pandaigdigang mensahe para sa sangkatauhan - na ang lahat ay magkakamit ng kapayapaan at tagumpay sa pamamagitan lamang ng pagkilala at pagsamba sa nag-iisang tunay na Diyos.
Ikawalong Maling Pag-unawa - Ang Jihad ay Terorismo
Ang diwa ng Jihad ay ang magsikap at magsakripisyo para sa relihiyon sa paraan na kalugud-lugod sa Diyos. Sa literal na kahulugan nito, ito ay nangangahulugang ‘pagsusumikap’ at maaaring tumukoy sa pagsisikap ng tao na gumawa ng mabuti, magkawanggawa, o sumali sa isang pagkilos ng sandatahang lakas ng mga Muslim. Ang pinakakilalang anyo ng Jihad ay ang pakikibaka sa pamamagitan ng armas na pinahihintulutan upang pangalagaan ang lipunan, upang labanan ang pang-aapi at isulong ang katarungan. Ito ay maaaring sa anyo ng pagtatanggol o pagsalakay depende sa ibat ibang mga kalagayan.
Ikasiyam na Maling Pag-unawa - Ang mga Muslim ay Sumasamba kay Muhammad o sa diyos ng buwan
Isa pang maling pag-unawa na ang mga Muslim diumano ay sumasamba kay Propeta Muhammad - sumakanya nawa ang kapayapaan. Ito ay walang katotohanan, at madali lamang na mapabubulaanan sa pamamagitan ng mismong sawikain ni Propeta Muhammad - sumakanya nawa ang kapayapaan: ‘Huwag kayong magmalabis sa pagpuri sa akin tulad ng pagmamalabis nila sa pagpuri kay Jesus, anak ni Maria. Ako ay alipin lamang Niya at tawagin ninyo akong ‘Alipin at Sugo ng Diyos.’
Ang Islam ay nagtuturo na ang mga Muslim ay marapat na gumalang sa lahat ng mga propeta at sugo ng Diyos - ngunit ang paggalang na ito at pagmamahal sa kanila ay hindi marapat na mangahulugan ng pagsamba sa kanila.
May kinalaman din dito ang isang bintang na ang mga Muslim diumano ay sumasamba sa diyos ng Buwan na isang bagay na mali. Ang pagsamba sa buwan o anuman liban pa kay Allah ay mahigpit na ipinagbabawal sa Islam:
Kabilang sa Kanyang mga tanda ang gabi at araw at ang araw at buwan. Huwag kayong magpatirapa sa araw at sa buwan bagkus ay magpatirapa kayo kay Allah na Siyang lumikha sa kanila kung kayo sa Kanya lamang ay mga sumasamba. Quran 41:37
Ang Islam ay kumikilala sa pagiging perpekto, kadakilaan at pagiging natatangi ni Allah nang walang anumang kompromiso. Siya ang pinakamakatarungan at pinakamaawain. Ang pagsamba sa Kanya lamang nang nag-iisa at walang katambal ang pinakamahalagang paniniwala sa Islam tulad ng nababanggit nang maraming ulit sa Quran.
Ikasampung Maling Pagkaunawa - Ang Islam ay Nagpapahintulot ng Sapilitang Pag-aasawa
Ang mga sapilitang pagkakasal ay isang tradisyon ng ilang mga kultura sa mundo. Ito ay hindi tradisyon ng mga Muslim lamang ngunit ito ay maling isinasangkot sa Islam lamang.
Sa Islam, ang parehong lalaki at babae ay may karapatan na mamili o tanggihan ang sinumang maaari niyang mapangasawa, ang kasal ang itinuturing na walang saysay kapag hindi pumayag ang babae bago pa man ang kasal.
Ikalabing-isang Maling Pag-unawa - Ang Islam ay pumipilit sa mga Tao na mag-Muslim.
Sinabi ng Diyos, ‘Walang sapilitan sa relihiyon, naging malinaw na ang pinagkaiba ng tama sa mali.’ Quran 2:256
Bagaman obligado sa mga Muslim ang magpahayag at magbahagi ng kagandahan ng mensahe ng Islam sa iba, walang sinuman ang maaaring pilitin na tanggapin ito. Upang matanggap ninuman ang Islam, siya ay marapat na taus-puso at boluntaryong maniniwala at susunod sa Diyos, kaya sa ganitong kahulugan ay hindi maaaring pilitin ang sinuman na yumakap sa Islam.
Pag-isipan mo ang mga sumusunod:
* Ang Indonesia ang pinakamalaking populasyon ng mga Muslim ngunit walang labanan ang naganap upang ipalaganap ang Islam dito.
* Sa ngayon ay mayroong 14 milyon na mga Coptic Christian na nakatira sa gitna ng Arabia sa loob ng napakaraming henerasyon.
* Ang Islam ang isa sa mga relihiyon na pinakamabilis dumami ang mga kasapi nito.
* Bagaman ang paglaban sa pang-aapi at pagsusulong ng katarungan ay mga pinahihintulutang dahilan ng Jihad, hindi napapaloob dito ang pamimilit sa mga tao
* Ang mga Muslim ay namuno sa Espanya sa loob ng 800 taon ngunti hindi nila pinilit ang mga tao na mag-Muslim.
Pahimakas
Ang matutunan ang tungkol sa Islam mula sa mga hindi mapananaligang mga pagkukunan ay mapanganib at magdudulot ng mga maling pag-unawa. Huwag malinlang sa pagtanggap sa mga maling pag-unawa na ito at huwad na impormasyon tungkol sa Islam - ang isang paniniwala na pinaniniwalaan ng mahigit 1/4 ng sangkatauhan.
Hindi ba’t ang gabay sa sangkatauhan, ang mensahe ng Islam ay marapat lamang na pag-isipan at pagmuni-munihan?
