Description
Ang Hijab o Belo ng Kababaihang Muslim
Debosyon sa Diyos, Kahinhinan at Karangalan
Ano ang Hijab?
Ang salitang HIjab ay nanggagaling sa salitang Arabic na ang kahulugan nito ay pagtatakip.
Sa kontekstong Islamiko, ang Hijab ay tumutukoy sa paraan ng pananamit na marapat para sa kababaihang Muslim na nasa edad ng pagdadalaga pataas. Ang Hijab ay ang kinakailangang pagtatakip o pagbelo sa buong katawan na kung saan ay maaaring hindi na matakpan ang mukha at mga kamay, bagaman may ilang pinipili nilang takpan na rin ang kanilang mga mukha at kamay na tinatawag ding Burqa o Niqab. Ang Hijab ay hindi kinakalaingan sa mga pagtitipon na puro kababaihan ang naririto o kaya ay malalapit na kamag-anak na lalaki lamang ang naririto tulad ng ama, kapatid o tiyuhin. Ang Hijab ay hindi lamang sa panlabas na anyo; ito ay may kinalaman din sa pananalita, pagiging mahinhin at marangal sa pagkilos. Ito ay mga mararangal na mga katangian na hinihiling din sa kalalakihan.
Ang kalalakihan ay inoobliga rin na manamit ng maluwag at hindi masikip na damit na bumabakat ang hugis ng katawan nang sa gayon ay mapanatili nila ang kanilang kapinuhan at karangalan.
Ang HIjab ay isang anyo ng pagsunod
Bagaman maraming mga pakinabang sa Hijab, ito, una at higit sa lahat ay utos ng Diyos. Kaya, ang pagsusuot nito ay isang gawaing may kinalaman sa pananampalataya at pagsunod sa Tagapaglikha tulad ng binabanggit sa Quran:
‘Sabihin sa mananampalatayang kababaihan na ibalot nila ang kanilang panlabas na kasuotan sa kanila (kapag sila ay lumabas ng bahay o may kasama silang kalalakihan)’ Quran 33:59
Ang Diyos, ang Maalam, ay nakababatid kung ano ang pinakamainam para sa Kanyang mga nilikha, kaya Siya ay nagbigay ng mga gabay upang pakinabangan ng sangkatauhan. Ang pagsusuot ng Hijab, tulad ng iba pang mga pagsunod sa Tagapaglikha ay nagpapalapit sa kanilang Panginoon at nagdudulot ng kasiyahan at pagkakuntento sa nagsusuot nito.
Ang Hijab ay hindi nangangahulugan kailanman na ang kababaihan ay mas mababa sa kalalakihan.
Ang Hijab ay Kahinhinan
Ang Islam ay nagsusulong ng kahinhinan at pagiging disente at naghahangad na masupil ang imoralidad sa lipunan. Ang Hijab, kasama ang iba pang mga bagay ay nakatutulong sa pagkakamit ng layuning ito.
‘Sabihin sa mga nanampalatayang lalaki na ibaba ang kanilang paningin at ingatan nila ang kanilang mga pribadong parte ng katawan. Yaon ay mas dalisay para sa kanila. Tunay na si Allah ay nakababatid sa mga ginagawa nila. Sabihin sa mga nanampalatayang babae na ibaba ang kanilang paningin at ingatan nila ang kanilang mga pribadong parte ng katawan at huwag ipakita ang kanilang kagandahan liban na lamang sa maaaring ipakita. Magsuot sila ng belo hanggang sa kanilang mga dibdib at huwag ipakita ang kanilang kagandahan…’ Quran 24:30-31
Dapat nating mabatid na sa mga nabanggit na talata, ang kalalakihan ang unang pinangaralan ukol sa pagbaba ng kanilang mga paningin at pagbabantay sa kanilang kahinhinan. Ito ay taliwas sa mga nagsasabi na ang pagiging mahindin ay pananagutan lamang ng kababaihan.
Habang ang Islam ay sumusupil sa pampublikong paghahayag ng mga mahalay na pananamit at kilos na seksuwal, ito naman sa kabilang-dako bilang isang praktikal na relihiyon ay naghihimok sa pagmamahal, pagmamalasakit at pagpapalagayang-loob para sa mag-asawa sa kanilang pribadong buhay.
Ang Hijab ay Proteksiyon
Ang karunungan sa likod ng Hijab ay upang masupil ang pang-aakit na seksuwal at ang moral na pagkalugmok sa lipunan hanggat maaari, para sa kalalakihan at kababaihan. Ang Hijab ay naghahangad na protektahan ang kalalakihan, kababaihan at ang lipunan sa pamamagitan ng pagdudulot ng katatagan sa pamilya at pamayanan sa ibat ibang mga paraan.
* Panangga laban sa hindi marapat na paglapit ng kalalakihan.
* Pagprotekta sa kababaihan mula sa paningin at pangingilatis
* Pagpapababa ng kaso ng mga pang-aabuso sa kababaihan.
* Pagiging pananggalang laban sa seksuwal na pananamantala sa kababaihan dulot ng kanilang hitsura.
* Panangga laban sa tukso at mapaminsalang mga pagnanasa.
Ang Hijab ay Karangalan.
Ang Hijab ay nagsusulong ng pagkababae ng isang babae at hindi sumusupil dito. Ito ay nagpaparangal sa kababaihan at nagdudulot sa kanila ng respeto sa sarili sa kanilang tunay na katauhan at ito ay taliwas sa panghuhusga dahil lamang sa hayagan na mga pamantayan kung sino sila, tulad halimbawa sa kanilang mga hitsura. Ito ay nagbibigay sa kababaihan ng kapangyarihan na lilukin ang kanilang sariling mga karangalan sa pamamagitan ng makabuluhang mga pamantayan katulad ng pagiging matuwid, maalam at ayon sa kanilang ambag sa lipunan. Ang lahat ng ito ay nakakamit nila sa halip ng tulad ng nangyayari sa mga lipunang kanluranin na nagbibigay ng halaga sa kanila ayon sa kanilang materyal na halaga, halimbawa ay sa kanilang hitsura o kung gaano sila kayaman.
Sa paningin ng Diyos, ang kalalakihan at kababaihan ay hindi kailangang maging magkatulad upang sila ay maituring magkapantay at ito ay makikita sa ibat ibang mga gampanin at responsibilidad nila.
Si Tawakkul Karman, na isang Nobel Peace Price winner ay tinanong ng mga journalists tungkol sa kanyang Hijab at kung paanong ito ay hindi angkop sa kanyang antas ng kaalaman at edukasyon at kanyang sinabi,
‘Ang tao sa naunang mga panahon ay halos nakahubad at habang ang kanyang talino ay nahahasa ay nagsimula siyang manamit. Kung ano ako ngayon at kung ano ang sinusuot ko ay kumakatawan sa pinakamataas na antas ng kamalayan at sibilisasyon na maaaring makamit ng tao. Ito ay hindi paatras. Ang pag-aalis muli ng pananamit ang tunay na pag-atras tungo sa sinaunang mga panahon.
Ang Hijab ay Respeto
Sa maraming mga lipunan ngayon, ang mga kababaihan ay tinuturuan mula pagkabata na ang kanilang halaga ay nakasalalay sa kanilang kagandahan. SIla ay napipilitan na sumunod sa mga hindi makatotohanan at mapang-alipustang mga pamantayan ng kagandahan upang makasunod lamang sa inaasahan sa kanya ng lipunan. Sa lipunang sadlak sa kababawan na nagbibigay diin sa panlabas na kagandahan, ang panloob na kagandahan ng indibidwal ay may napakababang halaga.
Ang Islam sa kabilang-dako ay nagtuturo na ang babae ay marapat na igalang ayon sa kanyang marangal na katauhan at kilos at hindi sa kanyang hitsura o pisikal na anyo, na hindi niya kontrolado. Hindi niya kailangang gamitin ang kanyang katawan at alindog upang magkamit ng pagkilala o pagtanggap sa lipunan dahil ang Hijab ay naglalayo sa tao sa paghatol sa kanyang katauhan ayon sa kanyang anyo tungo sa kanyang mga katangian tulad ng pagiging matuwid, kabutihan, kahinhinan at talino, mga katangian na may pantay-pantay na pagkakataon na makamit ninuman.
Ang bawat babae na nagsusuot ng Hijab o Burqa ay isang natatanging indibidwal kaya hindi makatwiran at hindi tumpak ang anumang panglalahat na paghatol o paghusga sa ganitong mga kababaihan dahil lamang sa isang uri ng pananamit na pare-pareho nilang suot.
Ang Hijab sa Biblia
Ang Hijab ay hindi isang bagong bagay. Ang kababaihang Muslim ay sumusunod sa halimbawa ng matutuwid na kababaihan noon tulad nina Maria na ina ni Jesukristo. Ilan pa sa mga patunay na nasa Biblia ay ang dalawang talata.
Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang walang talukbong ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo, para na rin siyang babaing inahitan ang ulo. 1 Corinto 11:5
9 Ang mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at kagalang-galang sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. 10 Sa halip, ang maging palamuti nila ay ang mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. 1 TImoteo 2:9-10
Ang Hijab ay Kumpiyansa
Ang Hijab ay nagdudulot na ang kababaihan ay magkaroon ng kumpiyansa sa kanilang mga sarili bilang mga tao. Ito ay nagdaragdag sa kanilang pagpapahalaga sa sarili sa pamamagitan ng pagdudulot na sila ay magbigay pansin sa mga bagay na tunay na mahalaga sa buhay. Ang pagkahumaling sa pisikal na anyo ay mapanganib at may masamang kahihinatnan tulad ng kung paanong ang ilang kababaihan ay gumagawa ng mapaminsalang mga gawain upang maramdaman nila na sila ay katanggap-tanggap sa isang lipunang mapanghusga. Ang Hijab ay pumipigil sa mga pinsalang pisikal at pangkaisipan na ito na may kinalaman sa kawalan ng tiwala sa sarili sa pamamagitan ng pagkakasupil sa kamalayang pansarili dahil lamang sa kanyang anyo.
‘Hindi ko ito sinusuot dahil sa ako ay api, ito ay aking isinusuot dahil ako ay binigyan ng kapangyarihan.’ Joumana, 23, Melbourne.
Ang Hijab ay HINDI…
* Ito ay hindi pumipigil sa pag-aambag sa lipunan.
* Ito ay hindi simbolo ng pang-aapi.
* Ito ay hindi obligado sa mga lugar na puro kababaihan lamang ang naroon o kapag ang kasama ay puro malapit lamang na kamag-anak na lalaki.
* Ito ay hindi tanda na ang babae ay mas mababa sa kalalakihan.
* Ito ay hindi paraan upang supilin ang kalayaan ng kababaihan na ipahayag ang kanyang pananaw at opinyon.
* Ito ay hindi paraan upang pigilan ang babae na mag-aral o magkaroon ng career.
* Ito ay hindi isang piitan na dala ng babae saanman.
* Ito ay hindi anyo ng rebelyon, hindi pagsang-ayon o pagprotesta laban sa mga hindi Muslim.
* Ito ay hindi isang bagong bagay - ito ay isinasabuhay na ng maraming matutuwid na kababaihan sa kasaysayan.
* Ito ay hindi taliwas sa pagpapahalaga ng lipunan. Ang mga pagpapahalagang panlipunan ay nagtitiyak na ang mga tao ay hindi mahuhusgahan ayon sa kung ano ang kanilang isinusuot at nangangalaga na sila ay hindi mapagkakaitan ng kanilang mga karapatan o kaya ay maaapi dahil lamang sa kanilang pananamit o hitsura.
* Ito ay hindi isinusuot sa layunin na maging nakakatakot o rebelde sa lipunan.
Ano ang Sinasabi ng Kababaihan Tungkol sa Hijab
‘Isinuot ko ito noong ako ay 17 taong gulang at nagsisisi ako na hindi ko ito isinuot nang mas maaga.’ Faten, 27.
‘Hindi ito usapin ng pagiging handa sa pagsusuot nito, ito ay tungkol sa pagiging mapalad ko na ako ay nakapagsusuot nito.’ Madina, 22.
‘Ang pagsusuot ng Hijab ay kumakatawan sa aking kalayaan, sa aking pagpili, at hindi sa aking pagiging api sa mga pagnanasa ng kalalakihan at media.’ Nusaybah, 45.
‘Gusto ko ang pagsusuot ng Hijab dahil ginagawa ko ito alang-alang kay Allah at tuwinang naiisip ko ito ay napapangiti ako.’ Aisha, 13.
‘Ito ay nagdudulot na makamit ko ang aking mga mithiin na magkaroon ng career at makapag-aral nang hindi nag-aalala sa sulyap ng kalalakihan. Ito ay nagdudulot na hindi ako husgahan ng mga tao dahil lamang sa aking hitsura, bagkus ay huhusgahan nila ako dahil sa aking kaisipan at katauhan.’
‘Ang aking katawan ay aking alalahanin, hindi ko kailangang ipaliwanag pa kaninuman kung ano ang nais kong isuot. Ito ay bahagi ng aking relihiyon, at hindi ako nagiging mas mababang uri ng tao dahil lamang sa pinili kong isuot ito.’ Yasmin, 21.
PAHIMAKAS
Ang HIjab ay isang gawaing pagsunod ng babaeng Muslim sa kanyang Tagapaglikha. Ito ay isang pinanggagalingan ng lakas at karangalan para sa kanila. Milyun milyong kababaihang Muslim ang pumipili na suutin ang Hijab bilang bahagi ng kanilang pananampalataya. Napakalayo nito sa pagiging mapang-api dahil ang Hijab ay isang pagpapalaya, pagpapadalisay at higit sa lahat, paniniwala. Ang paggalang sa kababaihan ay isang malaking bahagi ng katuruan sa Islam at ito ay ipinapakita sa pamamagitan ng Hijab.
Ang tunay na pagkakapantay-pantay ay maipapakita kapag ang kababaihan ay hindi na nangangailangan pang ihayag ang kanilang mga katawan upang mapahalagahan lamang at hindi nila kailangan pang ipagtanggol ang kanilang desisyon na gawin nilang pribado ang kanilang mga katawan para sa sarili lamang.
