Ang Quran

7.51 MB 55 1 Files
albyan
or download free
[free_download_btn]

Description

Huling Kapahayagan sa Sangkatauhan

Alamin ang Pangunahing mga Kaalaman

Ano ang Quran?

Salita ng Diyos

Ang Quran ay literal na salita ng Diyos, ang Makapangyarihan na nakikilala rin sa pangalang Allah. Ito ay ipinahayag kay Propeta Muhammad sa pamamagitan ni Anghel Gabriel.

Ang pagpapahayag sa Aklat mula kay Allah, ang Makapangyarihan, ang Maalam. Quran 39:1

Gabay para sa Sangkatauhan

Ang Quran ay, ‘Gabay para sa mga tao at malinaw na batayan sa pagitan ng tama at mali.’ Quran 2:185

Ito ay nagbibigay ng gabay upang tulungan ang sangkatauhan na maghatol sa pagitan ng tama at mali, na kung wala ito ay tunay na ang tao ay nasa kawalan.

Ang Huling Kapahayagan

Ang Quran ang huling kapahayagan na ipinahayag ng Makapangyarihang Allah na nagpapatibay sa anumang kaunting katotohanan na nananatili sa mga nakalipas na mga kasulatan at nagpapasinungaling at nagtatama sa mga pamemeke at pagdaragdag na naipasok sa mga makabagong bersiyon ng mga kasulatang ito.

O Angkan ng Kasulatan, manampalataya kayo sa ipinahayag Namin na nagpapatibay sa anumang tangan ninyo. Quran 4:47

Paano ipinahayag ang Quran?

Ang Quran ay ipinahayag kay Porpeta Muhammad at umiiral lamang sa wika na kung saan ito ipinahayag - sa wikang Arabic, bagaman may mga salita nito sa ibat ibang mga wika.

Ang Quran ay hindi ipinahayag bilang isang kumpletong libro sa isang pagpapahayag lamang; bagkus ito ay ipinahayag sa loob ng 23 taon.

Dahil dito, marapat na malaman ang mga ganapan na may kinalaman sa pagkakababa ng mga talata nito upang magkaroon ng tamang pag-unawa sa Quran; dahil kung hindi, ang mga turo nito ay maaaring maling mauunawaan.

Paano ko malalaman na ito ay galing sa Diyos?

Pagpapanatili nito

Ang Quran ang tanging banal na tekstong panrelihiyon na umiiral sa pinakamahabang panahon at nananatiling nasa dalisay na anyo nito mula sa unang araw na ito ay ipinahayag. Walang nadagdag, nabawas o nabago mula sa pagkakapahayag dito, 1400 taon na ang nakakalipas.

Tunay na Kami ang nagbaba ng Quran at tunay na Kami rito ay mga tagapag-ingat. Quran 15:9

Ang Quran ay hindi napangalagaan sa nakasulat na anyo lamang, bagkus ito ay matatagpuan din sa puso ng kalalakihan, kababaihan at kabataan. Sa ngayon, milyun-milyong mga tao ang nakakakabisado ng buong Quran.

Mga Himalang Siyentipiko

Ang Quran ay hindi taliwas sa makabagong siyensiya bagkus ay sumusuporta rito. Isa sa mga pinakakamangha-manghang aspeto ng Quran ay ang paglalaman nito ng mga tao na tumpak na naglalarawan sa mga kaganapan sa ibat ibang mga uri ng siyensiya tulad ng embryology, meteorology, astronomy, geology at oceanography. Ang mga scientists ay nakatagpo sa mga paglalarawan nito na tumpak bagaman ito ay ipinahayag noong pang ika-7 siglo.

Ipapakita Namin sa kanila ang aming mga tanda sa abot-tanaw at sa kanilang mga sarili hanggang sa maging malinaw para sa kanila na tunay na ito ang katotohanan. Quran 41:53

Sa katotohanan, ang marami sa mga siyentipikong himala ng Quran ay natuklasan kamakailan lamang, sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya. Pag-isipan mo ang mga sumusunod:

*Ang Quran ay nagbibigay ng detalyadong paglalarawan sa pagkakabuo ng sanggol sa sinapupunan. Ang mga detalye nito ay hindi batid ng mga siyentipiko noon.

*Ang Quran ay nagpapahayag na ang mga bituin, planet, buwan at iba pa ay pawang nabuo sa pamamagitan ng ulap ng alikabok. Ito ay hindi nalalaman noon ngunit sa ngayon ay tinatanggap bilang hindi maitatangging prinsipyo ng makabagong cosmology.

*Ang makabagong siyensiya ay nakatuklas ng harang nag nagdudulot na ang dalawang dagat ay magtatagpo ngunit mapapanatili nila ang kanilang sariling temperature, density at antas ng pagiging maalat.

Ang mga tanda na ito mula kay Allah ay malinaw na nababanggit sa Quran sa mahigit nang 1400 taon.

Pagiging katangi-tangi

Mula noong ipinahayag ito, walang sinumang tao ang nakagawa na magpahayag ng kahit isang kabanata na tulad ng kabanata ng Quran sa husay, karunungan, propesiya at iba pang mga katangian na nilalaman nito.

Kung kayo ay may duda sa kung anumang ibinaba Namin sa Aming lingkod na si Propeta Muhammad ay maglabas kayo ng isang kabanata na tulad ng kabanata ng Quran. Tawagin ninyo ang mga saksi ninyo liban pa kay Allah kung kayo ay mga makatotohanan. Quran 2:23

Ang mga tao na tumanggi kay Propeta Muhammad ay hindi nagtagumpay sa hamon na ito bagaman sila ay mahuhusay sa wika ng Quran. Ang hamon na ito ay nananatiling hindi natutugon hanggang ngayon.

Walang salungatan

Tuwinang nagsusulat ang mga tao, sila ay maaaring magkakamali sa pagbaybay, balarila at iba pang pagkakamali sa pagkakataliwasan sa sinasabi, maling mga impormasyon, pagkakaalis nito at iba pang mga pagkakamali.

Hindi ba sila nag-iisip na kung ang Quran ay galing sa iba pa liban kay Allah ay makatatagpo sila rito ng maraming salungatan. Quran 4:82

Ang Quran ay walang nilalaman na anumang salungatan - ito man ay sa siyentipikong pagpapaliwanag ng water cycle, embryology, geology at cosmology; mga kaganapan sa kasaysayan o mga propesiya.

Si Muhammad ba ang may-akda nito?

Si Propeta Muhammad ay nakikilala sa kasaysayan na hindi marunong bumasa at sumulat. Siya ay hindi edukado sa anumang larangan na magkakaroon ng kinalaman sa pagiging tumpak ng Quran sa mga nilalaman nitong may kinalaman sa Siyensiya at Kasaysayan o kahit sa husay nito na pampanitikan. Ang pagiging tumpak ng mga ulat dito tungkol sa kasaysayan na nagpapahayag tungkol sa nakalipas na mga tao at mga sibilisasyon na nababanggit sa Quran ay hindi maaaring maging akda lamang ng tao.

Hindi maaaring ang Quran na ito ay mabubuo ninuman liban kay Allah. Quran 10:37.

Ang layunin ng kapahayagan

Upang maniwala sa nag-iisang tunay na Diyos

Ang inyong diyos ay nag-iisang Diyos. Walang diyos na marapat sambahin liban sa Kanya, ang Maawain at ang Mahabagin. Quran 2:163.

Ang pinakamahalagang usapin na nababanggit sa buong Quran ay ang paniniwala sa nag-iisang tunay na Diyos. Ang Diyos ay nagpapabatid sa atin na SIya ay walang katambal, walang anak, walang kapantay at walang sinuman ang marapat na sambahin liban sa Kanya. Walang anumang maihahambing sa Diyos at walang sinuman sa Kanyang mga nilikha ang katulad Niya. Ang Quran ay tumatanggi rin sa pagsasangkot sa Diyos ng anumang katangian ng tao katulad ng limitasyon.

Upang itakwil ang lahat ng mga diyus-diyosan.

Sambahin si Allah at huwag magtambal ng anuman sa Kanya. Quran 4:36

Dahil si Allah lamang ang nag-iisang marapat na sambahin, ang mga diyus-diyosan ay marapat na itakwil. Ang Quran ay tumatakwil sa pagsasangkot ng anumang katangiang pagkadiyos sa sinuman o anuman liban pa sa Kanya.

Upang maglahad ng mga kuwento mula sa nakalipas

Ang Quran ay naglalaman ng mga kuwento na may kapaki-pakinabang na mga aralin tulad ng tunay na kuwento ng mga nakalipas na mga propeta tulad nina Adan, Noah, Abraham, Jesus at Moises. Tungkol sa mga kuwento na ito ay sinabi ni Allah,

Tunay na sa kanilang mga kuwento ay matatagpuan ang mga aral para sa mga nakauunawa. Quran 12:111

Upang palalahanan tayo tungkol sa Araw ng Paghuhukom

Ang dakilang Aklat na ito ay nagpapaalala sa atin na ang bawat isa ay makatitikim ng kamatayan at pananagutin sa kanilang mga ginawa at sinabi,

Ilalagay Namin ang mga timbangan ng katarungan sa Araw ng Paghuhukom at walang sinuman ang maaapi nang anuman. Quran 21:47

Upang tuparin ang tamang paraan ng Pamumuhay

Pinakamahalaga, ang Quran ay nagtuturo na ang layunin ng buhay ay upang sumamba sa Diyos lamang at mabuhay ayon sa paraan ng pamumuhay na itinakda Niya. Sa Islam, ang pagsamba ay isang salita na sumasaklaw sa lahat ng mga gawain at pananalita, hayagan man o lihim na kinalulugdan at minamahal ni Allah. Kaya, sa paggawa ng mga ipinag-uutos ni Allah, ang Muslim ay sumasamba sa Diyos at tumutupad sa kanyang layunin sa buhay. Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng mga pagsamba na tinukoy sa Quran:

Upang magdasal:

O mga nanampalataya, yumukod, magpatirapa, sambahin ang inyong Panginoon at gumawa ng mabuti upang kayo nawa ay magtagumpay. Quran 22:77

Upang magkawanggawa

Katakutan ninyo si Allah sa abot ng inyong makakaya, makinig, sumunod at magtustos – ito ay mas mabuti para sa inyo. Sinumang mailigtas mula sa kadamutan ng kanyang sarili ay sila yaong matagumpay. Quran 64:16

Upang maging matapat

Huwag ninyong balutin ng kasinungalingan ang katotohanan o ikubli ang katotohanan habang nalalaman ninyo ito.

Quran 2:42

Upang maging disente

Sabihin sa mga nanampalatayang lalaki na ibaba ang kanilang paningin at ingatan nila ang kanilang mga pribadong parte ng katawan. Yaon ay mas dalisay para sa kanila…Sabihin sa mga nanampalatayang babae na ibaba ang kanilang paningin at ingatan nila ang kanilang mga pribadong parte ng katawan. Quran 24:30-31

Upang maging mapagpasalamat

Si Allah ang nagluwal sa inyo mula sa sinapupunan ng inyong mga ina – na wala kayong nalalaman – at nagbigay Siya sa inyo ng pandinig at paningin at puso upang kayo nawa ay magpasalamat. 16:78

Upang maging makatarungan

O mga nanampalataya, maging mga tagapagtaguyod ng katarungan at mga saksi para kay Allah kahit pa ito ay laban sa inyong mga sarili, mga magulang o mga kamag-anak. Mayaman man o mahirap. Quran 4:135.

Upang maging matiisin

Magtiis, tunay na si Allah ay hindi magpapawalang-saysay sa gantimpala ng mga gumawa ng mabuti.

Quran 11:115

Upang gumawa ng mabuti

Nangako si Allah sa mga nanampalataya at gumawa ng kabutihan na para sa kanila ang kapatawaran at malaking gantimpala.

Pahimakas

Sa pagbubuod, ang Quran ay nagtuturo sa sangkatauhan kung paanong sasambahin si Allah, ang tunay na Diyos na sa pamamagitan nito ay natutupad nila ang tunay na layunin ng kanilang buhay, ang pagkakamit ng tagumpay sa mundong ito at sa Kabilang-buhay.

Tunay na ibinaba Namin sa iyo ang Aklat para sa mga tao nang buong katotohanan. Sinumang naghangad ng gabay ay para sa kanyang sarili at sinumang naligaw ay naligaw laban sa kanyang sarili lamang. Quran 39:41

HIndi ba’t marapat lamang sa iyo na basahin ang marangal na aklat na ito?

Similar Downloads

No related download found!