Mga Patibong ni Satanas مكائد الشيطان

6.00 MB 69 1 Files
albyan
or download free
[free_download_btn]

Description

Mga Patibong ni Satanas

Tunay na si Satanas ay kalaban ninyo, kaya ituring ninyo siya bilang kaaway. Quran 35:6

Pag-aralan ang iyong relihiyon

Ang matalinong tao ay yaong pinag-aaralan niya ang kanyang mga kalaban at ang kanilang mga taktika at siya ay nag-iingat at humahanap ng paraan upang matalo ito. Ang inyong Panginoon ay nagbabala, Tunay na si Satanas ay kalaban ninyo, kaya ituring ninyo siya bilang kaaway. Quran 35:6

Ang Kasaysayan ni Satanas o Iblis

Si Satanas ay nilikha mula sa apoy na walang usok. Bagaman hindi siya anghel, siya ay kasama ng mga anghel sa langit dahil sa kanyang pagsunod kay Allah. Nang nilikha ni Allah si Propeta Adan, Siya ay nag-utos sa mga nasa langit na magpatirapa kay Adan, ngunit si Satanas ay sumuway dahil sa kayabangan at pagmamalaki na nagsasabing, ‘Ako ay mas mainam pa kay Adan, nilikha Mo ako sa pamamagitan ng apoy at siya ay nilikha Mo sa pamamagitan lamang ng putik.’ Quran 7:12

Si Allah ay sumumpa kay Satanas at pinalayas siya sa Paraiso. Si Satanas ay humingi ng pagkakataon na iligaw ang sangkatauhan at pinagbigyan ni Allah ang hiling niyang ito.

Sinabi ni Satanas, ‘Dahil iniligaw mo ako ay tunay na ako ay mag-aabang sa kanila sa Iyong tuwid na landas at ako ay darating sa kanila sa kanilang harapan at kanilang likuran, sa kanilang kanan at kanilang kaliwa at matatagpuan Mong ang mas marami sa kanila ay hindi mapagpasalamat sa Iyo. Quran 7:16-17

Mga Patibong ni Satanas

Hindi Paniniwala sa Kaisahan ng Diyos

Ang saligan ng Islam ay ang paniniwala sa kaisahan ng Diyos na Siya ay walang katambal, kapantay, anak o karibal. Kaugnay nito, ang pinakamasahol na kasalanan ay ang magtambal kay Allah.

Ilan sa mga halimbawa nito:

*Pagtutuon ng pagsamba sa iba pa liban kay Allah tulad ng pagpapatirapa, o pananalangin sa iba pa liban sa Kanya.

*Pagsasangkolt sa mga katangian ni Allah sa mga bagay o iba pang nilikha tulad ng paniniwala sa mga rebulto at mga pampasuwerte.

*Pag-aangkin na ang Diyos ay may anak, ina o kaparehas.

Kaya, ang pagliligaw sa sangkatauhan tungo sa kawalang-pananampalataya ang unang tinututukan ni Satanas. Ngunit kung si Satanas ay hindi makapagliligaw sa tao na makagawa ng malinaw na kawalang pananampalataya, siya ay gagawa ng mas mababang pamiminsala tulad ng paniniwala sa mga pamahiin, pampasuwerte, horoscope at panghuhula. Ang mga paniniwala na ito ay taliwas sa katotohanan na si Allah ang nag-iisang may kapangyarihan at kaalaman sa lahat ng bagay at tanging makakapagdulot ng kabutihan o pinsala.

Mga Pagdaragdag sa Relihiyon

‘…Ako ay nagperpekto sa inyong relihiyon.’ Quran 5:3

Si Satanas ay manlilinlang sa tao na ito ay mag-imbento ng mga maling paniniwala at gawain sa Islam na hindi isinabatas ng Diyos o ni Propeta Muhammad. Sa katotohanan, ang paniniwala na ang Islam ay hindi kumpleto o hindi perpekto na ipinahayag ng Diyos ay maaari pang magdulot na ang gumagawa ng mga pagdaragdarag sa relihiyon na ito ay nakakagawa na rin ng kawalang-pananampalataya, dahil ito ay pagtakwil sa ipinahayag ni Allah.

Ang marami sa mga pagdaragdag sa relihiyon ay ipinatutupad na katulad ng iba pang mga lehitimong gawaing panrelihiyon na para bang ito ay kasinghalaga rin ng mga ito. Naririto ang panganib, na naniniwala ang mga gumagawa ng mga pagdaragdag sa relihiyon na ang kanilang mga gawa ay tanggap, bagaman sa katotohanan, ang kanilang mga gawain ay maituturing na kasalanan. Ang mga gumagawa ng pagdaragdag na ito ay hindi makakaramdam na kailangan nilang magbalik-loob dahil hindi nila kinikilala na mali nga ang kanilang ginagawa.

Pag-iwan sa Obligadong mga Gawain

‘…tunay na ang Salah ay pumipigil sa imoralidad at kasalanan. Quran 29:45

Ang nais ni Satanas ay ang, ‘…ilayo kayo mula sa pag-aalaala kay Allah at pagdarasal. Quran 5:91.

Dinulot ni Allah na ang ilang mga gawain ay maging obligado sa mga Muslim na ang pinakaregular dito na ginagawa ay ang limang Salah sa araw-araw. Kaya, si Satanas ay naghahangad na tayo ay magpabaya sa pagdarasal upang tayo ay higit pang mabulid sa kasalanan

Unti-unting panlilinlang

Si Propeta Muhammad ay nagpaliwanag sa atin kung paanong unang nangyari ang pagsamba sa mga rebulto, na nagbibigay-diin sa dahan-dahan at matiyagang paraan ni Allah. Ito ay nangyari nang namatay ang isang grupo ng mabubuting tao, si Satanas ay naghimok sa mga tao na magtayo ng mga rebulto bilang pagpaparangal sa kanila bilang pag-alala sa kanilang kabutihan. Nang lumipas ang henerasyon na yaon, ang mga tao ay nakalimot kung bakit itinayo ang mga rebulto na yaon kaya si Satanas ay nanlinlang sa kanila tungo sa paniniwala na ang mga yaon ay sinasamba ng kanilang mga ninuno at sa pamamagitan nila ay bumababa ang ulan. Ang mga tao dahil dito ay nagsimula nang sumamba sa mga rebulto.

Ang unti-unting panlilinlang ay ginagamit niya sa ibat ibang paraan. Halimbawa, nililinlang ni Satanas ang mga tao na makiapid na nagsisimula sa pagsulyap, na susundan ng pagngiti, inosenteng pakikipag-usap, pang-aakit at sa dulo ay ang mismong kasalanan.

Katulad din nito, sa pagpapagtigil sa mga tao na gumawa ng obligadong mga gawain, si Satanas ay humihimok sa mga tao na itigil ang boluntaryong mga gawain na nagdudulot sa kanila na tamarin sa mga obligadong gawain. Siya ay nagdudulot din na maliitin ng tao ang mga kasalanan na magiging dahilan na madulas sila tungo sa malalaking mga kasalanan.

Pagpapaganda sa mga kasalanan

‘… si Satanas ay nagpaganda sa kanila ng kanilang mga ginagawa.’ Quran 6:43

Si Satanas ay nagpapakita sa mga tao ng kasalanan sa magandang anyo na siyang paraan kung paano niyang nilinlang sina Adan at Eba na kumain mula sa puno.

‘Bumulong sa kanya si Satanas at nagsabing, ‘O Adan, ituturo ko ba sa iyo ang puno ng buhay na walang hanggan at kaharian na walang katapusan?’ Quran 20:120

… Sinabi niya, ‘Ang inyong Panginoon ay hindi nagbawal sa inyo sa punong ito liban na lamang na upang hindi kayo maging mga anghel o mga imortal.’

Siya ay nanumpa sa kanilang dalawa, ‘Tunay na ako sa inyo ay isang tagapagpayo.’

Kaya dinulot niya na sila ay maligaw at nang tinikman nilang dalawa ang puno ay naging hayag sa kanila ang kanilang maseselang bahagi ng katawan at binalot nila ang kanilang mga sarili ng mga dahon ng Paraiso. Silang dalawa ay tinawag ng Panginoon nilang dalawa, ‘Hindi ba’t pinagbawalan Ko kayong dalawa sa punong ito at sinabi sa inyong dalawa na si Satanas ay malinaw ninyong kaaway?’ Quran 7:20-22

Bagaman si Adan ay napaliligiran ng pinahihintulutang mga pagkain, hinimok siya ni Satanas na kumain mula sa punong ipinagbabawal. Sa parehong paraan, si Satanas ay nanlilinlang sa mga tao tungo sa mga ipinagbabawal na gawain sa halip na tungo sa mga pinahihintulutan katulad ng pagpili sa pakikiapid sa halip na sa pag-aasawa, pakikinig ng musika sa halip na sa Quran, haram na kabuhayan sa halip na halal, at sa mga ipinagbababawal na pagkain at inumin bagaman mas marami ang pinahihintulutang pagkain at inumin.

Pagpapaningas sa mga Pagnanasa

Si Satanas ay nangangako sa kanila at nagpapaningas ng pagnanasa nila, ngunit si Satanas ay hindi nangangako sa kanila liban na lamang sa kasinungalingan. Quran 4:120

Ang bawat tao ay mayroong pagnanasa at mga nakakatukso sa kanila. Si Satanas ay nananamantala rito at hinihimok ang tao na kunin ang panandaliang aliw nang hindi isinasaalang-alang ang kahihinatnan. Ito bandang huli ay magdudulot ng pagsisisi at kahihiyan, sa mundong ito o sa Kabilang-buhay.

Pag-aaksaya ng Oras

Kung hindi maitutulak ni Satanas ang tao na magkasala ay dinudulot niya na ito ay maging abala sa walang saysay na mga bagay. Na sa halip na nagagamit natin nang tama ang ating oras na tinutupad natin ang ating mga dapat unahin at mga dapat tuparin. Si Satanas ay naghihimok sa atin na gumawa ng mga walang katuturan.

Paano matatalo si Satanas

‘Tunay na si Satanas ay inyong kaaway, kaya ituring ninyo siya na kaaway.’ Quran 35:6

Ang unang hakbang ay ang makilala na si Satanas nga ay kalaban. Kung kilala mo ang kalaban ay matatalo mo siya. Ang kapangyarihan ni Satanas ay nakasalalay sa kanyang kakayanan na manlinlang, kaya marapat nating maunawaan ang kanyang mga pakana at taktika, upang mapangalagaan natin ang ating mga sarili.

Humingi ng tulong kay Allah,

Ang paghingi ng tulong kay Allah at pananalig sa Kanya lamang ay isang paraan upang matalo si Satanas. Ang Suratul Falaq at Suratun Nas ay maaaring regular na basahin upang mapangalagaan laban sa Satanas. Marapat nating mapagtanto na hanggat tayo ay buhay, si Satanas ay hindi susuko sa pagtatangka na iligaw tayo, kaya marapat tayong palaging alisto at palaging humihingi ng gabay at pangangalaga ni Allah.

Humingi ng Tawad

Si Propeta Muhammad ay nagsabi, ‘Ang nagbabalik-loob mula sa kasalanan ay tulad ng walang kasalanan.’ Iniulat ni Ibnu Majah.

Kung tayo ay susuko sa mga pakana ni Satanas, sa biyaya at habag ni Allah ay may pagkakataon pa rin tayong maitama ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pag-amin sa ating mga kasalanan at pagbabalik-loob kay Allah.

Sinabi ni Propeta Muhammad, ‘Si Satanas ay nagsabi sa Panginoon ng Karangalan, ‘Sa iyong Karangalan, ako ay patuloy na magliligaw sa Iyong mga alipin habang ang kanilang mga kaluluwa ay nasa kanilang mga katawan.’ Sinabi ng Panginoon, ‘Sumpa sa Aking karangalan at kapangyarihan, ako ay patuloy na magpapatawad sa kanila, hanggat sila ay nananatiling humihingi ng tawad sa Akin.’ Iniulat ni Imam Ahmad.

Upang matanggap ang pagbabalik-loob, ito ay marapat na taus-puso at sa layunin na hindi na balikan ang kasalanang ito.

Paglayo sa mga lugar ng kasalanan

Nang pinagbawalan ni Allah si Adan mula sa isang particular na puno ay hindi niya sinabi na huwag kang kakain mula sa punong ito, bagkus ang Kanyang sinabi, ‘Huwag kayong lalapit sa punong ito.’ Quran 2:35. Kaya, marapat lamang tayong lumayo sa mga lugar na tayo ay mabubulid tungo sa paggawa ng kasalanan.

Magkaroon ng Mabubuting Kasama

Si Propeta Muhammad ay nagsabi, ‘Ang tao ay nasa landas ng kanyang malapit na kaibigan, kaya mag-ingat sa kung sino ang inyong kakaibiganin.

Ang iyong mga kasama ay may malaking kinalaman sa iyong mga desisyon at gawain. Ang mabubuting kasama ay magpapaalala sa iyo tungkol kay Allah at gumawa ng mabuti, samantalang ang masasamang kasama ay magtutulak sa iyo tungo sa mga bisig ni Satanas.

Gumawa ng Kabutihan

Sa pamamagitan ng pagiging abala sa mabubuting gawain, lalung lalo na ang pagdarasal, ang mga ito ay mainam na paraan upang matalo si Satanas. Kung ang tao ay abala sa paggawa ng mabuti, sila ay magiging mas malayo sa impluwensiya at pakana ni Satanas.

Kapag ang isang masamang bulong ay dumating sa iyo mula kay Satanas ay magpakupkop kay Allah. Tunay na Siya ay Nakaririnig at Maalam. Quran 7:200.

Pahimakas

Ang digmaan laban kay Satanas ay mapagwawagian lamang kapag batid natin ang kanyang mga pakana at magawa ang mga paraan upang matalo siya. Sa Araw ng Paghuhukom, si Satanas ay aamin sa kanyang mga kasalanan at kasamaan. Siya ay magpapahayag sa lahat ng mga nilikha na si Allah ay nagsasabi ng katotohanan at siya ay nagsinungaling.

Hinihiling natin kay Allah ang Makapangyarihan, sa pamamagitan ng Kanyang maiinam na mga pangalan at perpektong mga katangian na patawarin ang ating mga kasalanan at kupkupin nawa Niya tayo laban sa mga patibong ni Satanas.

Similar Downloads

No related download found!