Jesus Propeta ng Diyos عيسى في الإسلام

8.35 MB 105 1 Files
albyan
or download free
[free_download_btn]

Description

Ang mga Muslim ay nagmamahal kay Jesus

Alamin ang mga pangunahing kaalaman

Si Jesus ay isang tao na minamahal at dinadakila ng bilyun-bilyong mga tao sa buong mundo, ngunit napakaraming pinagkakalituhan tungkol sa katauhan ng dakilang tao na ito. Ang mga Muslim at mga Kristiyano ay parehong nagpapahalaga sa kanya ngunit magkaiba ang kanilang pananaw tungkol sa kanya.

Ang polyeto na ito ay naglalayon na linawin ang ilang mga usapin na may kinalaman kay Jesus: siya ba ay diyos? Siya ba ay ipinadala ng diyos? Sino ba ang tunay na Jesus sa kasaysayan?

Si Jesus bilang diyos

Ang ilang mga Kristiyano ay nag-aangkin na si Jesus ay diyos o kaya ay bahagi ng tatlong persona – na siya ay ang diyos na nagkatawang-tao sa lupa. Ngunit ayon sa Biblia, si Jesus ay isinilang, kumain, natulog, nagdasal, at nagkaroon ng kaalamang limitado – mga katangian na hindi karapat-dapat sa Diyos. Ang Diyos ay may mga katangiang wagas ngunit ang mga tao ay kabaligtaran nito. Paanong ang isang tao ay sabay na magkakaroon ng parehong mga katangian na ito?

Ang Islam ay nagtuturo na ang Diyos ay palagiang perpekto. Ang maniwala na ang Diyos ay maaaring maging tao ay mangangahulugan din na ang Diyos, sa ilang bahagi ng panahon ay nagkaroon ng kapintasan. Ang isang Krsitiyano ay marapat na magtanong sa kanyang sarili, kung ang diyos ba na naging isang batang mahina na hindi mabubuhay nang walang pagkain, inumin o tulog ay ang parehong Diyos na inilarawan sa Lumang Tipan?

Maaring itatanong ninuman, ‘Kung magagawa ng Diyos ang anuman, bakit hindi niya kayang magkatawang-tao?’

Sa kahulugan ng pagiging Diyos, Siya ay hindi kailanman gagawa ng mga gawaing hindi angkop sa Kanyang pagkadiyos. Ang Diyos ay hindi maaaring gagawa ng anuman na magdudulot na Siya ay maging anuman liban pa sa Diyos. Kung ang Diyos ay nagkakatawang-tao at magkaroon ng mga katangian ng tao, Siya sa mga panahon na ito ay hindi Diyos.

May ilang mga talata ng Biblia na maling ginagamit bilang batayan na si Jesus ay Diyos. Ang ito ay hindi malilinaw na batayan na kung titingnan natin ang iba pang malilinaw na mga talata sa Biblia ay paulit-ulit natin makikita na si Jesus ay tinutukoy na isang natatanging tao lamang at hindi na hihigit pa rito. Ang Biblia ay naglalaman ng maraming mga talata na kung saan ay nababanggit dito na siya at ang Diyos ay magkaiba. Halimbawa:

*‘Si Jesus ay nagpatirapa at nanalangin. Mateo 26:39. Kung si Jesus ay ang Diyos, bakit kailangan pa ng Diyos na magpatirapa at magdasal? Sino kaya ang kanyang dinadasalan?

*Ang Biblia ay tumatawag kay Jesus bilang Propeta sa Mateo 21:10-11, kaya paanong si Jesus ay parehong Diyos at Proepta ng Diyos?

*Sinabi ni Jesus, ‘Ako ay tutungo sa Ama dahil ang Ama ay mas dakila sa akin.’ Juan 14:28

*Sinabi ni Jesus, ‘Ako ay tutungo sa aking ama na inyong ama, tungo sa aking Diyos na inyong Diyos.’ Juan 20:17 Kung si Jesus ay Diyos, bakit niya sasabihin ang mga ito? At tungo kanino siya aakyat?

Kung si Jesus ang Diyos, ay malinaw sana niyang sinabi sa mga tao na sambahin siya at magkakaroon ng malilinaw na mga talata sa Biblia na nagsasabi nito, pero kabaligtaran nito ang ginawa niya at tumanggi pa sa sinumang sasamba sa kanya: ‘Walang saysay ang kanilang pagsamba sa akin.’ Mateo 15:9

Anak ng Diyos

Ang ilang mga Kristiyano ay nag-aangkin na si Jesus ay anak ng Diyos. Ano ba talaga ang kahulugan nito? Tunay na ang Diyos ay napakalayo sa pagkakaroon ng pisikal at literal na anak. Ang mga tao ay nagkakaroon ng anak na tao. Ang mga pusa ay nagkakaroon ng anak na pusa. Pero ano ba ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng Diyos ng anak?

Sa halip na unawain ito nang literal, mas matatanggap pa natin ang katagang ‘anak ng Diyos’ bilang isang simbolismo sa Biblia para sa isang matuwid na tao. Ito ay ginamit para kina David, Solomon at Israel at hindi lamang para kay Jesus. ‘Ang Israel ang aking panganay na anak.’ Exodus 4:22. Sa katotohanan, ang sinumang matuwid ay itinuturing na anak ng Diyos, ‘Lahat ng pinangungunahan ng ispiritu ng Diyos ay mga lalaki at babaeng anak ng Diyos. Romano 8:14.

Hindi marapat para kay Allah na magkaroon ng anak. Luwalhati sa Kanya. Kapag Siya ay nagtakda ng anumang bagay ay tunay na sasabihin Niya lamang dito na, ‘Mangyari’ at ito ay mangyayari nga. Quran 19:35

‘Ama at Panginoon’

Sa parehong paraan, tuwinang ang salitang ama ay ginagamit upang tumukoy sa Diyos, hindi rin ito literal na inuunawa. Bagkus ito ay isang paraan ng pagsasabi na ang Diyos ang Tagapaglikha, Tagapagtustos at Tagapamahala sa lahat. Maraming mga talata na mula rito ay mauunawaan natin ang simbolismo ng salitang ‘Ama’, bilang halimbawa, ‘Isang Diyos at Ama ng lahat.’ Efeso 4:6

Si Jesus din ay minsang tinatawag na ‘panginoon ng kanyang mga disipulo. Ang katagang ito ay ginagamit sa orihinal na wika ng Biblia sa wikang Griyego at ginagamit para sa mahahalagang tao. Ang salitang Griyego na Kyrios ay parehong ginagamit sa konteksto ng ‘Panginoon’ at ang may-ari ng ubasan sa Mateo 20:8 at sa amo na nanakit sa suwail na utusan sa Lucas 12:45

Sa iba pang bahagi ng Biblia, si Jesus ay tinawag ding ‘lingkod’ ng Diyos ng kanyang mga disipulo: ‘ang Dios ng ating mga magulang, ay niluwalhati ang kaniyang Lingkod na si Jesus; ’ Mga Gawa 3:13

Ang mga pagtatangka na ipaliwanag ang mga usaping ito sa katangian ng Diyos at katangian ni Jesus ay maaaring nakalilito at hindi kasiya-siya. Ngunit ang marapat na pag-isipan ay: Bakit pa dudulutin ng Diyos na ito ay mahirap na maunawaan? Paano ba maihahambing ang mga komplikadong bagay na ito kung ihahambing sa simple, malinaw at Dalisay na turo ng konsepto ng Diyos sa Islam.

Jesus, ang Propeta

Sa Judaismo, si Jesus ay itinatanggi ng bilang Messiah. Dito ay kabaligtaran sa Kristiyanismo na siya ay sinasamba bilang diyos o anak ng diyos. Ang Islam ay nasa makatwirang pananaw na kumikilala kay Jesus bilang marangal na propeta at sugo ng Diyos at Messiah, ngunit ang mga Muslim ay hindi sumasamba sa kanya. Ang pagsamba ay para sa Diyos lamang nang nag-iisa at walang katambal na lumikha kay Jesus at sa lahat ng mga nilikha.

Sinabi ni Jesus, ‘Tunay na ako ay alipin ni Allah. Ibinigay Niya sa akin ang kasulatan at ginawa akong propeta. Quran 19:30

Mahimalang kapanganakan

Ayon sa Quran, si Anghel Gabriel ay ipinadala kay Maria, na isang marangal na birhen, sa anyo ng isang lalaki at nagpapabatid sa kanya ng anak na mahimalang ipapanganak nang walang ama.

Sinabi ng anghel, ‘Ako ay sugo lamang mula sa iyong Panginoon upang ibalita sa iyo ang tungkol sa isang dalisay na batang lalaki.’ Sinabi ni Maria, ‘Paanong magkakaanak ako ng lalaki na hindi ako nagalaw ng sinuman at hindi ako mahalay?’ Sinabi ni Anghel Gabriel, ‘Gayon nga. Ang iyong Panginoon ay nagsabi, ‘Ito ay madali para sa Akin. Gagawin Namin siyang tanda para sa mga tao at habag mula sa Amin. Ito ay bagay na naitakda na.’’ Quran 19:19-21

Ang iba ay nag-aangkin na ang mahimalang kapanganakan ni Jesus ay patunay ng kanyang pagiging Diyos. Ngunit hindi lamang si Jesus ang isinilang nang walang ama, si propeta Adan na nauna sa kanya ay walang ama o ina. Sinabi ng Diyos:

Tunay na ang halimbawa ni Jesus kay Allah ay katulad kay Adan. Nilikha siya ni Allah mula sa alabok at sinabi Niya sa kanya, ‘Maging.’ At ito ay nangyari nga. Ang katotohanan ay mula sa iyong Panginoon kaya huwag maging kabilang sa mga nagdududa. Quran 3:59-60

Kung si Jesus ay sinasamba dahil wala siyang ama ay mas marapat na sambahin si Adan dahil siya ay nilikha nang walang ama o ina.

Himala ni Jesus

Si Jesus ay mahimalang isinilang nang walang ama at gumawa rin ng mga dakilang himala sa pahintulot at kapangyarihan ng Diyos.

Siya ay nagsalita habang sanggol pa lamang upang ipagtanggol ang kanyang ina laban sa mga nagbibintang sa kanya ng pangangalunya. Ang Quran ay nagpapabatid din na siya ay bumuhay sa patay, nagpagaling sa ketongin at bulag – na ginawa niya lahat sa pahintulot at kapangyarihan ng Diyos.

Ang katotohanan na si Jesus ay gumawa ng mga himala ay hindi nangangahulugan na siya ay nakahihigit pa sa abang lingkod ng Diyos. Sa katotohanan, ang mga sugo ay mayroon ding mga himala katulad nina Noah, Moises at Muhammad at ang mga himalang ito nangyari sa pahintulot ng Diyos upang ipakita ang pagiging tunay ng sugo.

Mensahe ni Jesus

Ang mga propeta sa Lumang Tipan tulad nina Abraham, Noah, Jonas at iba pa ay hindi nangaral na ang Diyos ay bahagi ng tatlong persona at hindi sila naniwala na si Jesus ay kanilang tagapagligatas.

Ang kanilang Mensahe ay simple lamang: iisa lamang ang Diyos at Siya ang nag-iisang marapat na sambahin. Hindi lohikal na ang Diyos ay magpapadala ng mga propeta sa loob ng libu-libong taon na dala ang iisang mensahe upang baguhin lamang ito nang biglaan at angkinin na Siya ay bahagi ng tatlong persona at ipangaral ang paniniwala na marapat na maniwala sa pagkadiyos ni Jesus para lamang mailigtas.

Sa katotohanan, si Jesus ay nangaral ng parehong mensahe tulad ng lahat ng mga propeta sa Lumang Tipan. May isang talata sa Biblia na nagbibigay diin sa mensaheng ito. May isang lalaki na tumungo kay Jesus at nagsabi, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?” Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon nating Diyos ang tanging Panginoon. Marcos 12:28-29

Kaya, ang pinadakilang utos ayon kay Jesus, ay ang kilalanin na ang Diyos ay nag-iisa lamang. Kung si Jesus ay Diyos ay sinabi sana niya, ‘Ako ang Diyos, sambahin ninyo ako.’ Sa halip, ay inuulit niya ang talata sa lumang tipan na nagpapatibay na ang Diyos ay iisa lamang.

Ito ay naaayon sa misyon ni Jesus, ayon sa itinuro sa Islam, na si Jesus ay isinugo sa Angkan ng Israel upang pagtibayin ang mensahe ng naunang mga propeta – ang maniwala sa nag-iisang tunay na Diyos.

Nang dumating si Jesus na dala ang malilinaw na tanda ay sinabi niya, ‘…. Tunay na si Allah ang aking Panginoon at ang Panginoon ninyo kaya sambahin ninyo Siya. Ito ang landas na matuwid.’ Quran 43:63-64

Bilang isang marangal at masunurin na Sugo ng Diyos, si Jesus ay tumalima sa utos ng Diyos. Kaya, siya ay Muslim na tumutukoy sa sinumang tumatalima sa kagustuhan at utos ng Diyos.

Si Jesus sa Islam

Si Jesus ay isang marangal na propeta na ipinadala ng Diyos upang anyayahan ang mga tao tungo sa pagsamba sa nag-iisang Diyos lamang.

Ito ay malinaw sa Biblia at sinang-ayunan lamang sa Quran. Ang paniniwalang Islamiko tungkol kay Jesus ay nagpapaliwanag kung sino talaga si Jesus, habang pinananatili ang Dalisay na paniniwala tungkol sa Diyos at sa Kanyang Kadakilaan, pagiging natatangi at pagiging perpekto.

Inaanyayahan ka namin na pag-aralan pa lalo ang Islam. Ito ay hindi lamang isa pang relihiyon. Ito ang mismong mensahe na ipinangaral nina Noah, Abraham, Moises, Jesus at Muhammad – sumakanila nawa ang kapayapaan. Ang Islam ay nangangahulugang ‘pagsuko at pagtalima sa Diyos’ at natural at kumpletong Sistema ng pamumuhay na naghihimok na magbigay ng kumpletong atensiyon sa kanilang relasyon sa Diyos at sa Kanyang mga nilikha. Ang Islam ay nagtuturo na ang Diyos ay makatarungan at mahabagin ngunit hindi Niya kailangang isakripisyo ang Kanyang sarili upang mapatawad ang mga kasalanan. Hindi rin isinilang ang sinumang mayroong manang kasalanan. Ang Diyos ay maghahatol sa lahat ayon sa kanilang gawain at ang lahat ay may pananagutan sa kanilang sariling gawa.

Ang Islam ay nagtuturo na magmahal at gumalang sa lahat ng mga propeta ng Diyos, ngunit ang pagmamahal at paggalang sa kanila ay hindi nangangahulugan na sasambahin sila dahil ang pagsamba ay para lamang sa Diyos. Ang pagkilala kay Jesus bilang propeta ng Diyos at ang pagiging Muslim ay hindi nangangahulugan na papalitan o itatakwil mo si Jesus. Ito ay nangangahulugan lamang ng pagbabalik sa orihinal at Dalisay na turo.

Similar Downloads

No related download found!