Ang Habag ni Allah رحمة الله

2.43 MB 82 1 Files
albyan
or download free
[free_download_btn]

Description

Ang Habag ni Allah

Ang iyong Panginoon ay wagas sa Kanyang Habag. Quran 6:147

Alamin ang mga Pangunahing Kaalaman

Ang Makapangyarihang Diyos ay napupuno ng pagmamahal at kabutihan para sa Kanyang mga nilikha. Lahat ng kabutihan at biyaya sa mundo at sa Kabilang-buhay ay pawang mga patunay ng Kanyang habag. Tunay na ang Islam ay nagtuturo na ang DIyos ay mas maawain sa atin kaysa sa sarili nating mga ina. Paanong hindi ito magiging totoo gayong nabibilang sa mga pangalan at katangian ni Allah ang mga sumusunod:

*Tagatanggap ng Pagbabalik-loob

*Ang Maawain

*Ang Mapagmahal

*Ang Mapagpaumanhin

*Ang Mahabagin

*Ang Pinagmumulan ng Kabutihan

*Ang Mapagbigay

*Ang Tagapagkaloob

Ang mga pangalan na ito ay pawang nagpapatunay na ang Diyos ay nagtataglay ng awa, kabutihan at pagiging mapagbigay. Ang mga ito ay saksi sa lawak at pagiging perpekto ng Kanyang habag na sa pamamagitan nito ay binibiyayaan NIya ang mga nilikha. Si Allah ay nangungusap sa mga nilikha na ito sa Kanyang sinabi, ‘O Anak ni Adan, kung ikaw ay haharap sa Akin dala ang kasalanan na kasinglaki ng mundo, ngunit ikaw ay hindi nagtambal sa Akin ng kahit ano, Ako ay magbibigay sa iyo ng kapatawaran na kasinglaki din ng mundo.’

Mga halimbawa ng biyaya at habag ni Allah

Kaya, alin sa mga biyaya ng inyong Panginoon ang inyong pasisinungalingan. Quran 55:13

Sa tanang buhay nila, ang mga tao ay patuloy na tumatanggap ng biyaya ni Allah, ito ay sa anyo ng kalusugan, paningin, pandinig, pagkain, malinis na hangin, mga anak, yaman at marami pang iba. Ang ilan ay gumagamit sa talino at dunong na ibinigay sa kanila ng Diyos sa pagkilala sa mga biyayang ito, upang mabatid nila ang layunin sa pagkakalikha sa kanila na dahil dito ay tumatalima sila kay Allah. Ang iba naman ay hindi kumikilala sa habag ni Allah sa kanilang mga sarili kahit pa Siya ay nagpapakain at sumusustento sa kanila sa kabila ng pagsuway nila sa Kanya. SIla ay nakagagalaw, nakapaglilibang, nakapag-iisip, at nakakakilos sa kabila ng pagtanggi nila sa Kanya. Hindi sila iiral kung hindi lamang sa habag ni Allah.

Ang lahat ay may malayang pasya sa kanilang pagkilala sa biyaya na ito at paggamit nito sa kaparaan na itinakda ni Allah, ang Panginoon ng sangkatauhan, at sa pagsamba sa Kanya lamang. Naririto ang isang pagsulyap sa mga biyayang ito dahil, ‘Kung bibilangin mo ang mga biyaya ni Allah ay hindi mo ito mabibilang. Tunay na si Allah ay Mapagpatawad at Maawain.’ Quran 16:18.

Gabay sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at mga propeta

Ipinadala Niya sa iyo O Muhammad ang Aklat nang buong katotohanan na nagpapatibay sa mga nauna rito. Ipinahayag Niya ang Torah at ang Ebanghelyo. Quran 3:3

Mula sa simula ng paglikha, ang tao ay hindi pinabayaan lamang na mag-isang harapin ang mga pagsubok sa buhay. Dahil sa habag ng Diyos, ang tao ay nakatatanggap ng mga kapahayagan sa pamamagitan ng mga propeta, na nagparating at nagturo nito sa mga tao upang gabayan sila at pangalagaan. Ang pinakaperpekto at pinakamahabagin na kapahayagan ay ang Quran at ang kahuli-hulihan sa mga propeta ay si Propeta Muhammad

Ang Quran, ang huling kapahayagan ay pumapalit at nagpapawalang-saysay sa mga naunang kapahayagan. Ito ang pinakasukdulan ng habag at gabay para sa sangkatauhan. Tulad ng kung paanong ang Diyos ay nagpadala ng mga Sugo sa nakalaipas, siya ay nagpadala rin sa tao ng buhay, perpekto at praktikal na huwaran kung paanong ang mga turo ng Quran tungkol sa habag at katarungan ay praktikal na maisasabuhay sa ating pang-araw-araw na mga buhay. Ito ang halimbawa ni Propeta Muhammad - ang habag sa sangkatauhan.

Hindi ka Namin isinugo liban na lamang bilang habag sa sanlibutan. Quran 21:107

Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga sawikain ni Propeta Muhammad na nagpapabatid ng kanyang habang, kabutihan, pagpaparaya at iba pang mabubuting turo:

*Ang kabutihan ay hindi matatagpuan sa anuman liban na lamang na pinagaganda nito at hindi nawawala sa anuman liban na lamang na pinapapangit nito.

*Ang pinakaganap na mananampalataya ay ang pinakamainam sa kanila sa asal.

*Hindi ganap na Muslim ang sinumang nabubusog habang ang kanyang kapitbahay ay gutom.

*Si Allah ay hindi magpapakita ng habag sa sinumang hindi nagpapakita ng habag sa iba.

Gaano ba katindi ang ating pangangailangan, bilang lipunan, sa ganito kainam na mga payo?

Habag tungo sa mga nilikha.

Ang pagkakalikha sa mga tao at sa kanilang mga kakayanan ay isang malaking habag mismo. Ang katotohanan na tayo ay bumabangon, nagtatrabaho, kumakain, naglalaro at natutulog ay marapat lamang na magdulot na tayo ay maging mapagpasalamat.

Mula sa Kanyang habag ay dinulot Niya para sa inyo ang gabi at araw upang magpahinga rito at maghanap ng biyaya Niya at upang kayo nawa ay magpasalamat. Quran 28:73

Ang asawa ay isa sa mga pinakadakilang habag, isang daan tungo sa kapanatagan at pagmamahal.

Kabilang sa Kanyang mga tanda na lumikha Siya para sa inyo mula sa inyong mga sarili ng mga asawa upang mapanatag kayo sa kanila. Dinulot Niya na magkaroon sa pagitan ninyo ng pagmamahal at habag. Tunay na naririto ang mga tanda para sa mga taong nag-iisip.

Quran 30:21

Isa pang habag ay ang katotohanan na tayo ay nilikha Niya nang walang kasalanan at tayo ay hindi Niya pananagutan hanggang sa tayo ay umabot muna sa edad ng pagbibinata o pagdadalaga na tayo ay nakakapagdesisyon na. Ito ay taliwas sa doktrina ng ‘manang kasalanan’ na mayroon sa mga Kristiyano.

Ang kapatawaran ng ating mga kasalanan ay isang halimbawa ng habag ni Allah, dahil si Allah ay nakababatid na tayo ay hindi perpekto at nagkakamali. Ang katotohanan na ang mga mananampalataya ay nagkakasala ay hindi nangangahulugan na tayo ay mawawalan ng pag-asa sa habag ni Allah o tayo ay mapapagod sa paghiling ng Kanyang kapatawaran.

‘O Aking mga alipin na nang-api laban sa kanilang mga sarili, huwag mawalan ng pag-asa sa habag ni Allah. Tunay na si Allah ay nagpapatawad ng mga kasalanan lahat-lahat. Tunay na Siya ang Mapagpatawad at ang Mahabagin.’ Quran 39:53

Kahit ang mga hayop ay hindi nalalayo sa habag ni Allah. Sila ay may pandinig at paningin at binibiyayaan ng panustos at mga anak at binibigyan ng iba pang mga biyaya. Si Allah ay nakasasaklaw sa kanila dahil lamang sa isang bahagi ng habag ni Allah na ipinadala Niya sa lupa, ‘Ang Kanyang mga nilikha ay mahabagin sa isat isa na dahil dito, ang babaeng kabayo ay bumubuhat sa kanyang paa palayo sa sanggol na anak nito na maaaring maapakan nito.’ Ang mahabaging tagapaglikha ay nagtitiyak na ang bawat nilikha ay matututustusan, mula sa isda sa kalaliman ng dagat, sa mga insekto sa lupa at mga ibon sa langit - lahat ay Kanyang tinutustusan.

Paano madaragdagan ang Habag ni Allah sa atin?

Tunay na ang habag ni Allah ay malapit sa mga gumagawa ng mabuti. Quran 7:56

Dahil sa habag ng Diyos ay ipinangako Niya na Siya ay magpapatawad at magpapaumanhin sa sinumang gumagawa ng mabuti ayon sa talata:

Tunay na Ako ay Mapagpatawad sa sinumang magbalik-loob at manampalataya at gumawa ng kabutihan at naghangad ng gabay. Quran 20:82

Bahagi ng pagkakaroon ng tamang paniniwala ay ang paniniwala at pagsunod sa huling Sugo, si Muhammad - sumakanya nawa ang kapayapaan

Sa madaling salita, ang mga tao na higit na tumatanggap ng habag ni Allah ay yaong kumikilala sa Kanyang mga biyaya at gumagamit sa mga ito sa paraang kalugud-lugod sa Diyos; gumagastos sa yaman na ibinigay sa kanila ng Diyos sa kawanggawa; gumagamit sa biyaya sa kanilang pananalita upang magsabi lamang ng mabuti at gumawa ng marangal na mga gawain ayon sa isinabatas ng Diyos.

Sinabi ni Propeta Muhammad, ‘Si Allah ay mahahabag sa mga mahabagin sa mga tao. Kaya, magpakita ng habag sa mga nasa lupa upang kayo ay kahabagan din ng nasa langit.’

Naririto ang ilan sa mga paraan upang magkamit ng habag ni Allah.

Sundin ninyo si Allah at ang Sugo upang kayo nawa ay kahabagan. Quran 3:132

Ang Aklat na ito ay ibinaba Namin na mabiyaya. Sundin ninyo ito at katakutan ninyo Siya upang kayo nawa ay kaawaan. Quran 6:155

Itaguyod ang obligadong pagdarasal at magbayad ng obligadong kawanggawa at sumunod sa Sugo upang kayo nawa ay kahabagan. Quran 24:56

‘O aming Panginoon, huwag Mong iligaw ang aming mga puso matapos na kami ay Iyong gabayan. Ipagkaloob Mo sa amin ang Iyong habag. Tunay na Ikaw ang Tagapagkaloob. Quran 3:8

Habag at Pananagutan

Kaalinsabay ng katangian ni Allah ng habag ay ang katangian Niyang pagiging makatarungan. Si Allah ang pinakamaawain.

Tunay na para sa matutuwid, mula sa kanilang Panginoon ang mga hardin ng ligaya. Gagawin ba Naming magkatulad ang mga Muslim at ang mga makasalanan? Ano ang problema ninyo? Bakit kayo ganyan maghatol? Quran 68:34-36

Ngunit siya ang pinakamabilis sa pagtutuos. Walang sinuman ang makakapanlinlang kay Allah at makakapanamantala sa kanyang Habang sa pamamagitan ng paulit-ulit na paggawa ng kasalanan ng walang dalisay na pagbabalik-loob o paninindigan na hindi na ulitin ang kasalanan.

Ang pagbabalik-loob ay hindi tatanggapin mula roon sa nagpapatuloy sa kasalanan hanggang sa abutan sila ng kamatayan na magsasabing, ‘Ako ngayon ay nagbabalik-loob na kay Allah.’ O kaya ay mamamatay habang sila ay hindi nanampalataya. Quran 4:18

Ang mga Muslim ay hinihimok na magkaroon ng pag-asa sa pagkakagantimpala sa kanilang mabubuting gawa habang nag-aalala sa mga kasalanang maaaring nagagawa nila. Kapag nakagawa sila ng kasalanan, sila ay nagbabalik-loob nang husto at umaasa na mapapatawad. Higit sa lahat, sila ay kuntento sa mga salita ng kanilang Tagapaglikha, at pinananatili itong malapit sa kanilang mga puso:

Tunay na si Allah sa mga tao ay Mabuti at Maawain.

Quran 22:65

Similar Downloads

No related download found!